Nakiisa sa selebrasyon ng 125th anibersaryo ng Kagawaran ng Pagsasaka ang mga kawani nito sa Occidental Mindoro sa pamamagitan ng pagsagawa ng mga aktibidad sa Murtha Demo Seed Farm, Brgy. Murtha, San Jose, ika-19 ng Hunyo taong kasalukuyan.
Sinimulan ang mga aktibidades sa pamamagitan ng pagtataas ng bandila ng Pilipinas na pinangunahan ni Agricultural Program Coordinating Officer Eddie Buen. Ito ay sinundan ng taos pusong panunumpa sa watawat at pagbibigay ulat ng bawat banner tungkol sa kani- kanilang mga programa. Kasunod nito ay ang sama-samang pagsasagawa ng vegetable planting activity sa naturang lugar.
Isa rin sa aktibidad sa anibersaryo ay ang pagsasagawa ng Training on Mushroom Production and Processing sa ilalim ng pagtuturo at paggabay ng resource speaker na si Emerald Largado mula sa Rice Program. Apatnapu't anim (46) na miyembro mula sa Tamaraw Development Cooperative (TADECO) ang natuto sa produksyon at sa technology demonstration ng oyster mushroom na kung saan gumawa sila ng mushroom tempura at mushroom atsara.
Nagpasalamat naman si APCO Buen sa lahat ng dumalo at nakiisa sa pagdiriwang ng anibersaryo ng kagawaran. Hinikayat niya rin ang mga miyembro ng kooperatiba na gumawa ng mga panukala upang makatanggap ng mga interventions na kailangan ng kanilang grupo.
Samantala, nagkaroon rin ng technical briefing sa rice seeds kasama pa rin ang TADECO at ang mga pribadong kumpanya kabilang ang SL Agritech, LongPing Hybrid Seeds, Ramgo, at Bioprime. Namigay rin ang mga nasabing kumpanya ng mga collaterals katulad ng payong, bag, longsleeve, caps, pala, at sprayer na siyang ipina-raffle sa mga kalahok. Kabilang rin sa ipina-raffle ang 10 bags ng OPV glutinous white corn seeds.
Dalawang warehouse facilities
Kasabay rin ng pagdiriwang ng anibersayo ng kagawaran ang paggawad ng warehouse facilities sa 8-keys Development Cooperative (8-KADECO) sa Brgy. Magbay, bayan ng San Jose at sa Malawaan Matabiaga Multipurpose Cooperative (MAMAMUCO) sa Brgy. Malawaan, bayan ng Rizal.
Ang bawat pasilidad ay nagkakahalaga ng Php3.6 milyon na pinondohan ng Rice Program. Samantala, ang 252sq.m. na lupa na kinatatayuan ng bawat pasilidad ay counterpart naman ng bawat kooperatiba. Sa laki ng mga ito, ito ay may kapasidad na makaimbak ng 10,000 bags.
“Noong ibalita po na kami ay magkakaroon ng ganito kalaking bodega, hindi na po kami nagdalawang isip na tanggapin. Wala naman po kaming kayang ibalik sa lahat ng biyayang ipinagkakaloob niyo sa aming kooperatiba kundi pasasalamat. Maraming maraming salamat po,” pahiwatig ni Wilfredo Vergara, Manager ng 8-KADECO.
Ayon naman kay Municipal Agriculturist Rommel Calingasan ng San Jose, ang mga lehitimong kooperatiba katulad nila ay dumaan sa masusing validation at monitoring ng Engineering Division ng kagawaran upang maging benepisyaryo ng nasabing interventions.
“Hinihingi namin [LGU at DA MIMAROPA] na kayo ay maging service provider, simula land preparation hanggang sa post-harvest operations, upang magbigay ng serbisyo sa mga magsasaka hindi lamang sa inyong mga miyembro,” mensahe ni MA Calingasan sa kooperatiba.
Bukod sa warehouse, nakapagbigay na ang kagawaran ng handtractor, four-wheel drive tractor at combine harvester sa 8-KADECO. May nauna na ring mechanical dryer na naibigay sa bawat kooperatiba bilang katambal ng warehouse.
Nagpasalamat naman si Rizal Vice Mayor Marcelino Dela Cruz sa kagawaran sa pagkakaloob ng interventions sa kanilang lugar na isa sa may pinakamaraming inaaning palay. Ayon sa kanya, napakalaking tulong nito lalo na sa mga maliliit na masasaka ng palay. Hinikayat niya rin ang kooperatiba na ingatan ito upang mas marami pang makinabang sa mga susunod na panahon.
Dumalo rin sa nasabing aktibidad si APCO Buen sa ngalan ni Regional Executive Director Engr Maria Christine C. Inting kasama ang mga opisyal mula sa San Jose sa pangunguna ni Municipal Mayor Atty. Rey Ladaga, Municipal Vice Mayor Santiago V. Javier, Sangguniang Bayan Member at Chairman on Committee on Agriculture Robert Mangahas. Dumalo naman mula sa Rizal si SB Member at Chairman on Committee on Agriculture Restituto Awit, MA Jehu Michael Barrientos at iba pang opisyales mula sa lokal na pamahalaan.