Isinagawa na ng Department of Agriculture Regional Field Office – MIMAROPA Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) noong ika-28 ng Hunyo ang soft launching ng KADIWA Retail Store na matatagpuan sa Brgy. Parang, Calapan City, Oriental Mindoro na pinangangasiwaan ng Jubilee Oriental Mindoro Consumers Cooperative.
Pinangunahan ang naturang programa ni DA-MIMAROPA AMAD Chief Randy Pernia na na kung saan naging panauhing pandangal sina Assistant Secretary Virgilio R. Lazaga ng Cooperative Development Authority (CDA), City Mayor Marilou Morillo ng Pamahalaang Lungsod ng Calapan, at Sangguniang Barangay. Tampok sa naturang gawain ang ribbon cutting ng KADIWA store at pagpirma sa pledge of commitment.
Dumalo rin sa gawain si Oriental Mindoro Agricultural Program Coordinating Officer Artemio Casareno, iba’t ibang farmers’ cooperative and association (FCAs) sa Oriental Mindoro, miyembro ng nasabing kooperatiba, at iba pang katuwang na ahensya.
Iba’t ibang sariwang produktong agrikultural ang mabibili dito sa abot-kayang halaga na sinamantala na mga residente ng Brgy. Parang gayun din ang mga napapadaan sa tindahan. Kung umabot man sa 200.00 at pataas ang nabili ng mga mamimili, bibigyan ang mga ito ng coupon upang makabili ng bigas na Php 20.00.
Ayon kay AMAD Chief Pernia, layunin ng proyekto na ilapit sa mga konsyumer sa murang bilihin na agri-commodities. Aniya pa, magkakaroon din ng monitoring at assessment nito upang matiyak na tuloy-tuloy at maging permanente na ang nasabing tindahan sa naturang barangay.
“Inaanyayahan po namin ang lahat ng consumer, mga empleyado, at kalapit munisipyo na samahan kami upang lalo pa natin na mailapit ang ating mga murang bilihin dito sa ating mga konsyumer. Patuloy po natin na tangkilikin ang mga produkto dito sa KADIWA project ng Department of Agriculture, dahil tinulungan rin natin ang mga lokal na magtatanim o magsasaka dito sa inyong lugar,” dagdag pa niya.
Samantala, naglalayon rin ang KADIWA program na pagtibayin ang kakayahan ng mga asosasyon at kooperatiba ng mga magsasaka at mangingisda na maging suplayer sa mga konsyumer at mga community-based organizations na namamahala ng mga KADIWA retail store.