Sikat na produkto ng MIMAROPA makikita na sa Tagani.ph

Sa pamamagitan ng programang KADIWA ni Ani at Kita na siyang tumutugon sa isyu ng pagma-market ng mga produkto ng mga magsasaka at mangingisda, maisasakatuparan na ng Department of Agriculture-MIMAROPA ang KADIWA Online sa pakikipagtulungan sa isang pribadong kompanya na Tagani.ph.

Ang Kadiwa Online ay isa sa mga paraan ng programang ito upang dagdagan ang mapagbebentahan ng mga produkto ng mga magsasaka at mangingisda. Isa rin ito sa paraan ng Kagawaran na maging mas madali at mas ligtas ang pamimili ng mga konsyumer lalo na sa panahong ito na may pandemya.  

Samantala, ang Tagani.ph naman ay isang pribadong kompanya na sumusuporta sa mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng e-commerce, e-learning, at e-farming. Ang kanilang website ay siyang magsisilbing platform upang ibenta ang ilan sa mga sikat na produkto ng MIMAROPA Region sa silangang bahagi ng National Capital Region.  

We believe that this technology will drive the farmers to produce more and will help us establish the value chain.  This is a good start that you are here, we are expecting a strong partnership with you,” galak na sinabi ni Regional Executive Director Antonio Gerundio sa kanyang mensahe bilang panimula ng aktibidad.

“Napakalaking problema ng dumating ang pandemic. Bumaba ang demand kasi walang namamalengke masyado pero lumakas ang online…ito yung bagong trend ngayon kaya very welcome ang ganitong tie-up. Mare-realize natin ang motto ng DA na masaganang ani, mataas na kita,” dagdag naman ni Dr. Celso Olido, Tagapamahala ng Agribusiness and Marketing Assistance Division ng MIMAROPA.

Bilang paunang mga produkto, ilan sa makikita na ilulunsad sa Nobyembre ay ang sariwang calamansi at calamansi extract mula sa Victoria, Oriental Mindoro; Banana Chips mula sa Santa Cruz, Marinduque; kasoy mula sa Puerto Princesa City; at bigas mula sa Mamburao, Occidental Mindoro at Calapan City, Oriental Mindoro. Asahan din na makikita din sa website ang ilang mga sariwang produkto mula sa rehiyon sa mga darating na araw.  

“Tingin namin sa AMAD ito yung competitive in terms of quality, supply, sustainability, timing, market demand and most importantly yung price,” paliwanag ni G. Ramon Policarpio, ang Tagapag-ugnay ng Proyektong Kadiwa ng DA-MIMAROPA, ukol sa mga paunang produkto na ilalabas sa Tagani.ph.

Bukod pa riyan, ang Tagani rin ay makikipagtulungan sa DA-MIMAROPA  upang mas palawakin ang presensiya ng mga produkto ng Rehiyon sa digital  market, alamin ang mga napapanahong sikat na produkto na maaaring i-suplay ng Rehiyon at turuan ang mga magsasaka na matuto sa pagnenegosyo.

Kapag pinagsama po natin ang agribusiness and data science, wala po talagang makakapigil sa atin. We gather data using social media…to create insights on the market demand seasonality , it’s a lot more specific which the other market do not do this.  Kami kasi specific kami sa agriculture,” pagpapaliwanag ng ni G. Kevin Cuevas, ang Chief Executive Officer ng Tagani.ph.

Natapos ang aktibidad sa isang mabungang pag-uusap at sa pamamagitan ng pagpirma ng kasunduan.


Print   Email