Palawan, Enero 29, 2023 – Dalawang (2) samahan sa Brgy. Rizal, Magsaysay, Palawan ang nagsisimula na ngayong kumita mula sa Ready-to-Lay Chicken (Egg) Production Project na ipinagkaloob ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) MIMAROPA, Oktubre ng nakaraang taon.
Umaabot sa Php1,763,036 ang kabuuang halaga ng mga interbensyon na tinanggap ng Rizal Rural Improvement Club (RRIC) at Rizal-Lucbuan Farmers Livelihood Association (RLFLA) mula sa SAAD Program. Bawat samahan ay tumanggap ng 290 piraso ng ready-to-lay (RTL) chicken, 10 pirasong RTL chicken cages, 150 bags ng feeds, at 24 na bote ng mga gamot at bitamina.
Sa datos ng RRIC mula ika-23 ng Nobyembre, 2023, hanggang ika-24 ng Enero, taong kasalukuyan, ay nakakuha sila ng 6,930 piraso ng itlog na iba’t iba ang laki. Mula dito, nakapagbenta sila ng 231 trays sa halagang Php160 hanggang Php270 depende sa laki (pewee hanggang large). Kumita ang RRIC ng Php50,640 habang umabot naman sa Php31,969 ang gastos ng samahan na kinapapalooban ng labor, trays, kiluhan, business permit, at iba pa, na nagresulta sa net income na Php18,671.
Sa kabilang banda, umabot naman sa 7,170 piraso ang naaning itlog ng RLFLA mula ika-24 ng Nobyembre hanggang ika-23 ng Enero. Dalawang daan at tatlumpu’t siyam na trays ng itlog na may sukat may pewee hanggang jumbo ang kanilang naibenta sa halagang Php150 hanggang Php330. Nagbebenta rin sila ng kada piraso ng itlog mula Php7 hanggang Php11. Kumita ang samahan ng Php57,005 habang umabot naman sa Php24,578 ang gastos, dahilan upang magkaroon sila ng Php32,427 net income.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa walong (8) tray ng itlog ang nakukuha ng dalawang (2) samahan araw-araw. Nasa 80 porsyento pa lamang anila ng mga manok ang nangingitlog, kaya’t inaasahan nila ang higit pang pagtaas ng kanilang ani sa oras na lahat ng mga manok ay mangitlog na. Ipinagbibili naman nila ang mga ito sa Brgy. Rizal at kalapit na mga barangay. May kani-kaniyang suki ang bawat samahan at dahil sa kakulangan ng suplay ng itlog sa Magsaysay at kalapit na bayan ng Cuyo, ay mabilis na nauubos ang kanilang mga paninda.
Ibinahagi naman ni Chairman Berardo C. Biarcal ng RLFLA na inaabangan ng mga mamimili ang kanilang mga itlog dahil tiyak na bago pa ang mga ito kumpara sa mga suplay mula sa ibang probinsiya na ibinibyahe pa ng maraming oras bago makarating ng Magsaysay.
Upang mapangalagaan ang kanilang kita, bawat samahan ay magbubukas ng bank account. Kasabay naman ng pangako na pagbubutihin nila ang pamamahala at sisikaping mapalago ang proyektong natanggap, ay ang lubos nilang pasasalamat sa Kagawaran at sa SAAD Program.
“Napakaling blessing po na ibinigay ng Department of Agriculture ang proyekto na ito sa aming maliliit na magsasaka at mangingisda. Napakalaking tulong ito para sa amin dito sa aming komunidad na makasuplay ng itlog (dahil) short kami sa suplay. Nagpapasalamat kami, sobra. Ito ang proyekto na aking naalala na dumating, ibinigay talaga mismo (sa amin),” mensahe ni G. Biarcal.
Dagdag naman ni Gng. Irene H. Garcia, pangulo ng RRIC, “Lubos po kaming nagpapasalamat sa ibinigay po sa amin ng SAAD. Malaking tulong po ‘yon dito sa amin kasi kokonti lang ang mga itlog kasi ‘yong iba (ay) galing pa ng Iloilo (at) Maynila. Ngayon (ay) dito na lamang kukuhanin sa amin.”
Samantala, kabilang sa mga plano sa hinaharap ng dalawang (2) asosasyon ang pagdaragdag ng kanilang mga RTL chicken sa oras na magkaroon sila ng sapat na puhunan at makita nila ang higit pang pagtaas ng demand sa mga itlog sa kanilang lugar.