Kasabay ng pamamahagi ng Kagawaran ng Pagsasaka ng mga makinarya sa mga magsasaka ng Occidental Mindoro, namigay din ng makinarya ang kagawaran sa mga munisipalidad ng Oriental Mindoro.
Sa pangunguna ni Agricultural Program Coordinating Officer Coleta Quindong at Naujan Municipal Agriculturist Racquelita Umali, idinaos ang isang paglilipat-tungkulin ng isang four (4)-wheel Drive Tractor na nagkakahalagang P1.09-milyon sa Pinagsabangan I Vegetable Growers Association sa Municipal Agricultural Office, San Andres, Naujan, Oriental Mindoro nitong Agosto 6.
Ito ay bilang karagdagang tulong sa ani at kita ng mga magsasaka at pagkain sa hapag-kainan ng mga tahanan na pinaigting ngayong panahon ng sakuna at pangangailangan.
Nagpahayag ang Pangulo ng PVGA Rommel Evangelista ng ibayong pasasalamat sa natanggap na makinaryang pansaka ng kanilang samahan, “Maraming salamat po sa mga biyayang ipinagkaloob sa amin ng Department of Agriculture. Amin pa pong pagbubutihin pa para masuklian namin ang kabutihan ng inyong departamento,” wika niya.
Saludo naman si APCO Coleta Quindong sa tiyaga at sipag ng mga magsasaka at mga LGU ng Naujan sa kanilang patuloy na serbisyo sa pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan upang gawing katotohanan ang sapat na pagkain para sa mga mamamayan ng kanilang bayan.
Nagbigay din si APCO ng payo ukol sa pangangalaga ng makinaryang traktora upang tumagal ang paggamit nito, “Kung ikaw ang magiging operator ng traktora, ‘yan ay ituturing mong isang babae. Alagaan mo na parang asawa, mamahalin mo siya at papaliguan, at lilinisan na parang dalaga.”
Binigyang pansin ni MA Racquelita Umali ang roadmap na ginawa ng kagawaran na siyang nakatulong sa kwalipikado nilang mga magsasaka at mga samahan sa pag-aangkat ng kanilang mga produktong pagkain.
Saglit ding ipinaliwanag ni MA Umali ang naging batayan ng rekomendasyon na ipinapasa ng kanilang tanggapan sa Punong Bayan upang mabigyang interbensyon mula sa pamahalaan. Ayon sa kaniya, “Ang Tanggapan ng Pambayang Agrikultor ay pumipili ng irerekomendang samahang rehistrado sa DOLE, CDA, o SEC batay sa mga aktibidad nito, paghawak sa pera, pagpapatakbo ng kanilang daily operations, at kontribusyon sa kanilang komunidad at bayan. Patuloy din kaming magmomonitor ng mga makinarya upang masigurong nagagamit ito ng naaayon.”
Ang Pinagsabangan I Vegetable Growers Association ay isang samahang rehistrado na binubuo ng 25 miyembrong magsasaka at may lupang sakahang may lawak na 15 hektarya. Dati na ring tumanggap ang nasabing samahan ng PISOS, mga kalaykay, cultivator, at hose mula sa Kagawaran.
Ang pagsasaayos ng mga makinarya, mga binhi, at iba pang mga kasangkapang pansakang ipamamahagi sa buong rehiyon ay pinapangunahan ni High Value Crops Development Program Planning Coordinator Corazon Sinnung ng DA Regional Field Office – MIMAROPA.