BULALACAO, ORIENTAL MINDORO---Sa pangunguna ng Kagawaran ng Pagsasaka kabilang ang Municipal Agriculture Office (MAO), at Municipal Social Welfare Development Office (MSWD), nagakaroon ng isang Pagsasanay Patungkol sa Bio-Extensive Gardening ang 38 kasaping magsasaka ng Juan Roque Vegetable Growers Association mula sa mga bayan ng San Roque at San Juan nitong Enero 19-21.
Nabuo ang nasabing asosasyon bilang sila ang magsisilbing tagapagtaguyod ng modernong sistemang ibabahagi sa ilalim ng programang Adaptation and Mitigation Initiative in Agriculture (AMIA) Village ng DA Research Division bilang suporta sa kanilang tradisyunal na pagsasaka at upang maiwasan ang malakihang pagkasira ng kanilang mga taniman sa panahon ng kalamidad.
Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa ng University of the Philippines Los Baños Climate and Disaster Risk Assessment (CDRA) sa Silangang Mindoro, itinalang ‘most vulnerable’ or may posibilidad na magtamo ng pinakamalaking pagkasira ang bayan ng Bulalacao mula sa mga natural na kalamidad kung kaya’t naging prayoridad ang nasabing bayan.
Sa pamamaraang Bio- Extensive Gardening, makakapagtanim ang mga magsasaka sa maliit na sukat ng lupa ng maraming uri ng halaman at mapapanatiling pa ring mataba at masustansya pa rin ang lupa gamit ang mga organikong pataba at pamatay – peste. Ganap din itong magiging ‘resilient’ o matibay mula sa matinding hangin at malakas na agos ng tubig na makakapinsala sa kanilang mga halaman.
Tinuro ni AMIA team Resource Person Genesis Castro ang mga organikong paraan ng pagsasaka mula sa paghahanda ng lupa, pagtatanim ng binhi, paggawa ng sariling mga organikong pataba, pamamahala ng mga punla, pag-ani, pagtatabi, at pagmamarket ng kanilang mga produkto.
Gayundin, nagsagawa ang pangkat ng hands-on training sa paglikha ng mga organikong pataba kabilang ang Fish Amino Acid (FAA), Fermented Fruit Juice (FFJ), Fermented Plant Juice (FPJ), at Lactic Acid Bacteria Serum (LABS). Sinanay din ang mga kalahok sa paggawa ng midyum sa mga seedling trays, tamang pagtatanim ng mga binhi, at pamamahala ng mga ito. Sinundan ito ng pagbubungkal ng isang Bio-Extensive Gardening Site sa isang pribadong lupaing pagmamay-ari ni Emilio Agayhay, isang kalahok na magsasaka.
Inilathala ni Marilou Umadahon, kalahok na magsasaka at isang guro ng San Roque National High School na siyang pinagdausan ng talakayan, ang kaniyang saloobin ukol sa naganap na aktibidad, “Pananaw ko po ay para po ito (pagsasanay) makatulong na maenhance ang kaalaman ng isang magsasaka, hindi lamang po sa simpleng pamamaraan ng pagsasaka kundi para kumita pa at maging independent, yung hindi po umaasa sa mga tulong lamang.”
Paliwanag ni Science Research Specialist Allan Lalap, “Ang sunod na training ay sa Agroforestry tapos yung isa ay Sloping Land Agriculture Technology pero marami pa yan – Financial Literacy, Gender and Development, Processing, Utilization… – isa siyang malaking program. Ngayon kumbaga, baby pa lang siya.”
Isa ring proyekto sa ilalim ng programang AMIA Village ang pagbibigay ng kagawaran sa bawat isang miyembro ng nabuong asosasyon ng 10 pullets o palakihing manok na binubuo ng 1 tandang at 9 inahin mula sa Arayem Trading ni Margaret Estanislao na kanilang papalitan ng panibagong 10 pullets sa loob ng 2 taon para sa mga panibagong miyembro at mga susunod pa rito.
Dagdag ni Research Specialist Lalap, “So magstart tayo niyan around April or May kaya iniipon na natin ang mga ito ngayon – native chicken, Untalan seeds, calamansi seedlings at tissue - cultured lakatan banana mula Regional Integrated Agricultural Research Center (RIARC).”
Kabilang sa mga nagsaayos ng aktibidad sina AMIA Program Focal Person Randy Pernia, Science Research Specialists Janeene Narvas – Carpio at Marilyn Malamanig, Project Officer Vilma Sagangsang, at Driver Glen Malbon.