Sa layuning pataasin ang kita ng mga magsasaka sa lalawigan ng Romblon, sinimulan na ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) MIMAROPA ang pamamahagi ng interbensyon na nagkakahalaga ng Php119,325 sa ilalim ng Free-Range Chicken Production Project sa San Isidro Livestock and Poultry Producers Association na pakikinabangan ng 25 kasapi ng nasabing samahan.
Pinangunahan ni SAAD MIMAROPA Operational Planning, Budget, Monitoring, and Evaluation (OPBME) Lead Marissa DV Vargas ang distribusyon kasama ang mga kawani mula sa Regional at Provincial Program Management Support Office, Municipal Councilor Christina Imperial, Chairman ng Committee on Agriculture ng Sangguniang Bayan, at si Municipal Agriculturist Alex John Galicia. Kabilang sa mga tinanggap ng samahan ang 129 free-range chicken habang nakapaloob rin sa proyekto ang veterinary medicines at incubator.
“Binabati ko po ang inyong samahan at ako ay natutuwa dahil bago pa makapagdeliver ang SAAD ay handang handa na kayong i-welcome ang aming interbensyon sa inyo. Inaahasahan namin na ito ay palalaguin ninyo, bigyan ninyo ng importansiya dahil ang layunin namin ay mabigyan kayo ng livelihood,” saad ni OPBME Lead Vargas.
Bago naman ang pagtanggap ng naturang proyektong pangkabuhayan, sumailalim ang mga kasapi ng samahan sa pagsasanay sa pagpaparami at tamang pag-aalaga ng free-range chicken. Bilang tulong naman sa samahan, ipinahiram ni Gng. Rufina Mercano ang kaniyang 800 sqm na lote para pagtayuan ng kulungan ng mga manok kung saan mahigpit nilang pinatutupad at sinusunod ang polisiya para mapanatili ang sanitasyon at kaligtasan ng mga manok. Hinati ang mga miyembro sa pitong grupo na silang naghahalinhinan sa pag-aalaga sa mga manok. Maliban sa kanilang barangay, nakikita rin nilang potensiyal na merkado ang Tablas Island para pagbentahan ng kanilang mga produkto.
“Ang ating gobyerno ay nagpupursige na tayo po ay tulungan at alam ko, kung umangat man ang ating kabuhayan (ay) dahil sa pagtulong ng gobyerno na hindi tayo pinababayaan. Ito po ay isang malaking karangalan ng ating inang bayan at ng ating barangay dahil sila ay hindi nagkamali sa pagpili ng ating samahan dahil tayo ay nagkakaisa at nagtutulungan,” ani G. Lemuel Galindez, pangulo ng samahan.
Base sa isinagawang Beneficiary Needs Assessment (BNA), angkop ang free-range chicken production sa grupo dahil may karanasan na ang mga kasapi sa pag-aalaga ng mga manok, may lugar rin sila para mag-alaga ng mga manok at kung maisasakatuparan ng maayos ang proyekto ay malaki ang kikitain ng grupo sa pagbebenta ng karne ng manok at itlog na inaasahang magsisimula sa susunod na taon.