Romblon, Enero 29, 2024 - Sa layuning palakasin pa ang produksyon ng gulay sa isla ng Banton, lalawigan ng Romblon, ipinagkaloob ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) MIMAROPA ang isang tiller/cultivator sa Toctoc Organic Farmers Association (TOFA) sa Brgy. Toctoc.
Nagkakahalaga ng Php279,000 ang nasabing makinarya at inaasahan na makatutulong ito na mas mapabilis ang paghahanda ng lupang pagtataniman ng gulay ng samahan. Ito ang kauna-unahang interbensyong natanggap ng TOFA mula nang mabuo sila at opisyal na mairehistro bilang asosasyon sa Department of Labor and Employment (DOLE) noong ika-19 ng Oktubre, 2023.
Ang TOFA ang ika-27 samahan ng mga magsasaka na tinutulungan ng SAAD Program sa Romblon. Dahil may kasanayan na sa pagtatanim ng gulay ang mga kasapi nito, ipinahayag nila sa isinagawang Beneficiary Needs Assessment (BNA) ang hangarin nilang matulungan sila ng pamahalaan na mapataas pa ang kanilang ani kasabay ng pagbaba ng gastos sa produksyon. Masigasig na isinusulong ng samahan ang organikong pamamaraan sa pagtatanim ng mga gulay sa kanilang communal farm na may lawak na 1.5 ektarya.
Ayon kay Banton Municipal Agriculturist Garry F. Fano, nais nilang madagdagan pa ang produksyon ng TOFA upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang isla sa supply ng mga gulay at hindi na nila kakailanganin pang umangkat sa mga kalapit na bayan at probinsiya.
Base sa resulta ng BNA, magiging benepisyaryo ang TOFA ng Vegetable Production Project kung saan maliban sa tiller/cultivator, makakatanggap rin sila ng iba pang interbensyon sa ilalim ng Vegetable Production Project tulad ng mga pananim ng gulay, pataba, farm tools, shredder, hand tractor, at iba pa na popondohan sa ilalim ng SAAD 2024 Fund.
Samantala, labis ang pasasalamat ng asosasyon sa SAAD Program sa pagtugon sa kanilang pangangailangan. Ayon kay Gng. Denly Falcatan, pangulo ng TOFA, malaking tulong sa kanila ang natanggap na makinarya, na higit aniyang mainam gamitin kumpara sa ibang land tiller. Madali rin aniya itong i-operate at kayang-kaya maging ng mga kababaihan.
“Makakatulong ito ng malaki sa aming paghahanda ng lupa. Tinitiyak po namin na ito ay aming gagamitin ng maayos at iingatan upang mas matagal naming mapakinabangan. Muli po, maraming salamat,” dagdag pa ni Gng. Falcatan.
Samantala, aktuwal na ring itinuro ng supplier ng tiller/cultivator ang tamang paggamit at maintenance nito sa mga kasapi ng TOFA matapos opisyal na maihatid sa kanilang lugar ang nasabing makinarya.