News and Events

Samahan ng maggugulay sa Romblon, kumita ng mahigit Php61,000 sa tulong ng SAAD
Masayang ipinakita ni Tubigon Vegetable Growers Association (TVGA) President Peldrin Visca ang mga inani na talong noong ika-10 ng Pebrero, 2024 mula sa binhing ipinamahagi ng SAAD Program Phase 2 at ang lalagyan nitong crates na mula rin sa programa.

Samahan ng maggugulay sa Romblon, kumita ng mahigit Php61,000 sa tulong ng SAAD

Sa tulong ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program Phase 2, kumita ng Php61,026 mula sa pagbebenta ng 1,213 kilo ng iba’t ibang gulay ang Tubigon Vegetable Growers Association (TVGA) sa Barangay Tubigon, Ferrol, Romblon, isa sa mga samahang tinutulungan ng SAAD sa MIMAROPA.

Umabot sa Php762,102 na halaga ng mga interbensyon ang ipinagkaloob ng programa sa TGVA noong nakaraang taon kabilang na ang mga pananim na binhi ng gulay, plastic drums, crates, plastic mulch, mga seedling trays, farm tools, at isang pump and engine set. Binigyan rin sila ng mga pagsasanay sa produksyon at pamamahala ng kanilang samahan.

Gamit ang mga binhi mula sa SAAD, isa-isang nagtanim ang kasapi sa kani-kanilang gulayan na may pinagsama-samang lawak na aabot sa dalawang (2) ektarya. Kabilang sa mga gulay na kanilang itinanim at naibenta ay kalabasa, upo, talong, okra, siling berde, sitaw, at ampalaya.

Mula ika-8 ng Oktubre, 2023 hanggang ika-10 ng Pebrero, 2024, tuloy – tuloy na umani ang mga miyembro, kung saan pinakamalaki ang kanilang kinita sa mga talong (Table 1).

Table 1. Ani at kita sa gulay ng TVGA mula Oktubre 8, 2023 hanggang Pebrero 10, 2024

Gulay

Ani (kilo)

Presyo/kilo (Php)

Kita (Php)

Talong

328

Php50 – Php70

19,300

Ampalaya

273

Php40 – Php80

15,195

Sitaw

215.3

Php60 – Php100

10,825

Okra

130

Php40 – Php60

6,686

Kalabasa

204

Php23 – Php30

5,510

Siling berde

45.8

Php23 – Php30

3,310

Upo

17

Php10 – Php20

200

Total

1213.1

 

61,026

 

Ilan sa mga suki ng samahan ang nagpupunta na mismo sa kanilang gulayan upang bilhin ang kanilang ani, na nagpapadali sa pagbebenta ng kanilang mga produkto.  Maliban sa kanilang komunidad, naging bagsakan rin ng kanilang mga ani ang mga kalapit bayan ng Ferrol tulad ng Odiongan.

Labis ang kanilang pasasalamat sa SAAD Program sa pagkakaloob ng mga interbensyong nagpapababa sa kanilang gastos sa produksyon. Pagbabahagi pa ng kanilang pangulo na si Peldrin Visca, inakala nila na tulad ng ibang programa ay puro pangako lamang ang SAAD. Pinuri ng opisyal ang SAAD Program sa pagtupad nito sa pangakong tutulungan sila sa kanilang paggugulayan.

“Noong una kasi may nangako sa amin (ng programa) pero puro lang sila pangako, wala namang dumating na tulong sa amin.  ‘Yung SAAD biglang dumating sa amin, akala namin ay puro pangako na naman ulit. Mabuti masigasig ang pumunta sa amin na kagaya ninyo na talagang tinupad ang pangako sa amin.  Bumalik kayo at may dalang tulong, kaya maraming salamat sa inyo,” saad niya.

Samantala, nakatakda ang ikalawang pagtatanim ng samahan sa buwan ng Mayo. Upang higit pang palakasin ang kanilang produksyon at mapanatili ang magandang ani ng samahan, pagkakalooban pa sila ng SAAD Program ng mga karagdagang interbensyon ngayong taon tulad ng panibagong mga binhi ng gulay, pataba, plastic container tank, at hand tractor.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.