“Nakatulong po sa amin ang Sagip Sibuyas lalo na noong panahon na kailangan naming mabili ang sibuyas ng aming mga miyembro. Kasi kung isasabay po namin sa bilihan ng mga private traders ay halos hingin nalang po nila ng ang sibuyas. Kaya ang ginawa po namin ay tinaasan po namin ang presyo nila. Yung dating Php 11.00 ay binili po namin ng Php 25.00 hanggang sa may nabili pa kaming sibuyas sa mga hindi miyembro ng kooperatiba. Ito ay umabot pa hanggang Php 40.00 kada kilo. Buti nalang dumating ang Sagip Sibuyas kasi nakasagip po ito talaga,” pahayag ni Gng. Livelyn F. Castillo, Chairperson ng Samahang Gumagawa Tungong Tagumpay Multi-purpose Cooperative (SAGUTT MPC) sa Sablayan, Occidental Mindoro na napagkalooban ng financial grant sa nasambit na proyekto.
Ang Sagip Sibuyas Project ay parte ng Enhanced Kadiwa Financial Grant na isa sa mga interbensiyon ng Department of Agriculture MIMAROPA-Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD). Naglalayon ito na matulungan ang mga magsasaka na makaahon sa pagbaba farmgate price ng sibuyas at pagkabulok nito dahil sa sobrang dami ng supply.
Kabilang rin sa layunin ng proyekto ang pagkakaroon ng kakayahan ng mga Farmers Cooperative at Associations (FCAs) na makabili ng sibuyas hindi lang mula sa kanilang mga miyembro kundi maging mula sa ibang magsasaka sa kanilang komunidad. Ito ay nakadisensyo rin upang mabigyan ng pondo ang mga FCAs na magagamit nila sa gastusin sa transportasyon at pambayad o panggastos sa cold storage facility.
Ayon kay Gng. Castillo, umabot ng higit 9,000 bags ang napamili nilang sibuyas gamit ang grant at inimbak nila ang mga ito sa Royale Cold Storage sa Laguna sa tulong na rin ng AMAD.
Noong Agosto nang nakaraang taon, napagkalooban ng P5M financial grant ang ilang FCAs mula sa Occidental Mindoro kasama dito ang SAGUTT mula sa Sablayan, Mindoro Progressive Multi-purpose Cooperative ng Mamburao, Calintaan Seed Growers Cooperative (CASEEDCO) mula sa Calintaan, at Genaro ARB Multi-Purpose Cooperative (GENARO MPC) ng Magsaysay.
Samantala, nitong ika-10 hanggang 12 ng Enero ng taong kasalukuyan, pitong (7) FCAs ang napagkalooban ng financial grant mula sa Sagip Sibuyas Project. Nakatanggap ng tig P5M ang Bulalacao Development Cooperative (BUDECO) mula sa Bulalacao, Oriental Mindoro at Lourdes Multi-Purpose Cooperative mula sa Magsaysay, Occidental Mindoro. Nabigyan naman ng 2.5M ang mga sumusunod na FCAs mula sa Occidental Mindoro: Cantoroy Bato Singit Irrigators Farmers Association, Inc ng Rizal; Bulacan Sigasig ng Layon at Kapatiran Multi-Purpose Cooperative (BUSILAK) mula San Jose; at ang Mabuting Pastol ng Kanlurang Mindoro Multi-Purpose Cooperative (MPKM MPC) at Purnaga Farmers Association, Inc mula sa Magsaysay.
Umaabot sa 7,805 magsasakang miyembro ng FCAs ang benepisyaryo ng Sagip Sibuyas Project hindi pa kabilang ang ibang hindi miyembro na matutulungan ng proyekto.
Sa tulong na ito ng kagawaran, ang mga FCAs ang magiging daan upang mapataas ang presyo ng sibuyas at mabili ang mga produkto ng mga magsasaka sa tama o mas mataas na presyo kumpara sa alok ng mga traders.
Pahayag naman ni Gng. Cherry D. Flores ng CASEEDCO, nakapagtabi na sila ng pondo mula sa binigay na financial grant mula sa kagawaran upang bilhin ang mga ani ng kanilang mga miyembro nitong darating na anihan ng sibuyas upang masigurong hindi malulugi ang kanilang mga magsasaka. Ang matitira ay gagamitin upang matulungan rin ang mga magsasakang hindi kabilang sa kanilang kooperatiba.
"Sobrang salamat sa DA dahil dati hindi napapansin ang produksyon ng sibuyas. Dati binabarat lang ito hanggang Php 8.00. Ngayon ay may pag-asa na kami na mabibili ang aming produkto sa tama o mas mataas halaga," pasasalamat ni Gng. Flores.
Ayon kay G. Christian Andrew Caranza, Regional Focal Person ng Sagip Sibuyas Project mula sa AMAD, ang pagpili sa mga FCAs ay base sa kanilang kakayahan patungkol sa negosyo at sa magandang records sa partisipasyon sa mga proyekto at programa ng kagawaran. Ito ay rin ay may kaakibat na 20% counterpart mula sa FCAs mula sa total project cost.
"Sila [FCAs] din po ang priority ng AMAD, may mga institutional buyers na tayo at maging ang kadiwa market network ay ginagamit upang matulungan sila," sabi ni G. Caranza.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagsasagawa ng AMAD ng market matching at business to business matching sa mga institutional buyers upang matulungan ang mga FCAs sa kanilang napamiling sibuyas.