Dalawampu’t anim (26) na mga samahan ng mga magsasaka sa lalawigan ng Romblon ang sumailalim sa specialized training na inorganisa ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) Program Phase 2 at naglalayong hasain ang kanilang kakayahan at kaalaman sa produksyon ng mga pananim, mga hayop, at manok gamit ang mga makabagong teknolohiya.
Ginanap mula Hunyo hanggang Agosto, dinaluhan ang sunod-sunod na mga pagsasanay ng 635 magsasaka mula sa mga bayan ng Alcantara, Calatrava, Concepcion, Ferrol, San Andres, Santa Maria, at San Jose sa nasabing lalawigan at pinangasiwaan ng SAAD MIMAROPA sa pangunguna ni Regional Lead Marissa DV Vargas.
Upang matiyak ang komprehensibo at epektibong pagsasanay para sa mga magsasaka, pawang eksperto sa larangan ng pagtatanim at paghahayupan ang mga inimbitahang tagapagsanay mula sa iba’t ibang tanggapan ng DA.
Para sa pagtatanim, pitong (7) samahan ang natuto sa produksyon ng gulay at marketing, anim (6) ang nakatuon sa produksyon ng palay, dalawang (2) samahan sa pagtatanim at pagpoproseso ng mga halamang-ugat, dalawa (2) rin sa produksyon ng mais at paggawa ng feeds, isa (1) sa produksyon ng cacao, at isa (1) rin sa adlai production with intercropping technology. Samantala, isang (1) samahan naman ang sumailalim sa pagsasanay sa pagpaparami ng mga baboy, dalawa (2) sa pag-aalaga at pagpaparami ng mga kambing, dalawa (2) sa produksyon ng free-range chicken, (1) sa ready-to-lay chicken (egg) production, at isa (1) sa entrepreneurial mindsetting.
Kasunod ng pagtatapos ng kanilang pagsasanay, handa na ang mga samahan sa pagpasok sa food production and livelihood component ng SAAD Program. Patuloy naman ang pagkilos ng SAAD MIMAROPA hinggil sa pamamahagi ng mga interbensyon sa mga samahan na nilalayong makumpleto hanggang sa buwan ng Disyembre.