Romblon, Enero 15, 2023 - Bilang suporta sa pagpapalakas ng produksyon ng mais ng tatlong (3) samahan sa bayan ng Ferrol, Romblon, nagkaloob ang Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) MIMAROPA ng 60 kilo ng sweet corn seeds na may kabuuang halaga na Php190, 500, ika-12 ng Enero.
Masayang tinanggap ng mga kasapi ng Hinag-oman Lowland and Upland Integrated Farmers Association, Hinag-oman Corn, Cassava and Vegetable Growers Association, at Claro M. Recto Corn and Cassava Farmers Association na pawang naninirahan sa Ferrol, ang mga binhi ng mais mula sa SAAD Program. Maliban naman sa mga sweet corn seeds, nakatanggap rin ang Claro M. Recto Corn and Cassava Farmers Association ng isang multicultivator na nagkakahalaga ng Php249,500, na magagamit nila upang mapabilis ang preparasyon ng kanilang lupang pagtataniman. Sa kabuuan, umaabot sa Php440,000 ang halaga ng mga interbensyon na pinamahagi sa mga benepisyaryo ng nasabing araw.
Pinangasiwaan ang pamamahagi ng mga nasabing interbensyon ni Jercel N. Catubig, Community Development Officer II na nakatalaga sa Ferrol, katuwang ang mga kapwa CDO sa Romblon na sina Jhonzell G. Panganiban at Ian Von A. Yadao. Dumalo naman sa aktibidad si Ferrol OIC – Municipal Agriculturist Elena C. Tibio at mga kasapi ng mga benepisyaryong samahan sa pangunguna ng kani-kanilang pangulo.
“Malaki pong tulong itong ibinigay ninyong interbensyon sa aming asosasyon kasi sa panahon po ngayon ay napakamahal po ng mga binhi, ng equipment, kaya hindi po maka-avail ang bawat farmer. Napakalaking pasasalamat po dahil nandyan po kayo na parati po kaming tinutulungan na mga farmers para i-angat ang antas ng aming pamumuhay,” mensahe ni Gng. Florencia Gara, Pangulo ng Hinag-oman Corn, Cassava and Vegetable Growers Association.
Maliban sa mga sweet corn seeds, nakatakda pang makatanggap ng karagdagang interbensyon ang mga samahan tulad ng white corn seeds na naglalayong mapababa ang kanilang gastos sa produksyon at mapataas naman ang kanilang kita.