Nagkaloob ang Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) MIMAROPA ng isang egg incubator na kayang maglaman ng 880 itlog sa Villa Sol Farmers Association sa Brgy. Villa Sol, Agutaya, Palawan, ika-14 ng Marso.
Karagdagang suporta sa Improved Free-range/Native Chicken Production Project ng asosasyon ang nasabing kagamitan na nagkakahalaga ng Php119,000. Nauna nang tumanggap noong nakaraang taon ang samahan ng mga interbensyon sa ilalim ng proyekto na kinabibilangan ng 160 mga manok, 24 na bote ng mga gamot at bitamina, 40 sako ng patuka, at mga pagsasanay sa pamamahala ng proyekto.
Inaasahan na malaki ang maitutulong ng incubator sa pagpaparami ng mga manok ng VSFA dahil sa malaking kapasidad nito at sa pagpapababa ng gastos sa produksyon dahil hindi na nila kakailanganin pang magrenta ng incubator sa pagpapapisa ng mga itlog.
Sa kasalukuyan, inaalagaan ng VSFA ang kanilang mga manok sa kanilang communal farm na may tinatayang lawak na 250 hanggang 300 metro kwadrado. Bago ang pagdating ng egg incubator, ibinebenta ng asosasyon ang kanilang mga nakukuhang itlog. Mula Enero 8 hanggang Marso 19, nakakuha sila ng 707 piraso ng mga itlog, kung saan 682 sa mga ito ang kanilang naibenta. Kumita sila ng Php6,820 na plano naman nilang gamitin sa pagbubukas ng bank account ng samahan.
Kasabay ng pagkakaroon ng sariling incubator, pinayuhan ang asosasyon na ipunin na ang kanilang mga nakukuhang itlog upang makapagsimula na sila sa pagpaparami ng mga manok. Layunin ng VSFA na paramihin muna ang mga ito bago magbenta sa kanilang bayan.
Nagpaabot ng pasasalamat ang samahan sa SAAD MIMAROPA sa pagdadala ng programa sa kanilang komunidad, at sa pagtulong sa kanila na makamit ang pangarap na maging katuwang ng kanilang bayan sa pagtugon sa pangangailangan sa suplay ng manok ng mga mamamayan.
“Malaking tulong sa amin ang incubator lalo na po at hindi naglilimlim ang ibang inahing manok. Mas mapaparami po namin agad ang mga manok at kung may mabawas dahil sa sakit ay madaling mapapalitan dahil sa incubator,” saad ni Elsita Yayen, pangulo ng VSFA.
Samantala, pinangasiwaan ni SAAD MIMAROPA Community Development Officer II Vilmar J. Robes ang pagkakaloob ng egg incubator sa samahan. Si Robes ang nakatalagang mangasiwa sa mga asosasyon na tinutulungan ng SAAD Phase 2 sa mga bayan ng Agutaya at Magsaysay, Palawan.