News and Events

Sa kabila ng community quarantine, mas maraming magsasaka ang nabibiyayaan ng FSRF
Sinigurado rin na sinusunod ng Landbank of the Philippines ang social distancing protocol at iba pang protective measures upang masigurado ang kaligtasan ng mga magsasaka at kanilang tauhan habang namimigay ng pinansiyal na ayuda mula sa programang Financial Subsidy for Rice Farmers sa bayan ng Rizal nito lamang Mayo 11. Larawan ni Jouriel Tolosa, APCO-Occidental Mindoro, DA-MIMAROPA

Sa kabila ng community quarantine, mas maraming magsasaka ang nabibiyayaan ng FSRF

Dahil sa pagsusumikap ng Municipal Agriculture Office (MAO) kasama na rin ang mga provincial staff ng Kagawaran ng Pagsasaka, mas maraming magsasaka ang nabibiyayaan ng P5,000 ayuda mula sa programang Financial Subsidy for Rice Farmers (FSRF) kaysa sa tinalaga nitong target allocation, ayon kay Engr. Maria Teresa Carido, na siyang humahawak ng programa sa rehiyon.

Kaya naman lubos ang pasasalamat ng Kagawaran sa mga MAO, mga RSBSA (Registry System for Basic Sector) validator, kasama na rin ang Landbank of the Philippines (LBP)---na siyang namamahala sa pamamahagi---sa kanilang patuloy na pagserbisyo sa mga magsasaka sa kabila ng banta ng COVID-19.

Unang namigay ang Kagawaran kasama ang LBP ng ayuda sa San Jose at Sablayan noong Mayo 9 na nakapagtala ng 1,286 at 2,069, ayon sa pagkakabanggit, na mga magsasakang nakatanggap. Ang mga ito ay lumampas ng mahigit tig-400 mula sa tinalagang target allocation ng ahensiya, ito naman ay maluwag na pinayagan ng Central Office.

Sumunod naman na binisita ng grupo ang bayan ng Rizal na kung saan 1,238 na magsasaka ng palay ang nakatanggap ng tulong sa unang bigayan nitong Mayo 11.  Magiging sunud-sunod na ang pamamahagi ng ayuda hanggang sa maubos nito ang lahat ng magsasakang kwalipikado na pagbibigyan.

Sinigurado rin ng bawat bayan na pati ang mga katutubong Mangyan sa probinsiya ay makakasama rin sa mga mabibigyan. Sa kasalukuyan ay umabot na sa mahigit 30 ang kanilang nabigyan ng tulong mula sa Sablayan at Rizal, at itutuloy naman ang pamamahagi sa San Jose sa mga susunod na araw.

Kasabay rin ng pamamamahagi  sa probinsiya ng Occidental Mindoro, magsisimula na ring mamimgay ng ayudang pinansiyal sa probinisya ng Palawan ngayong linggo.

Ang programang ito ng Kagawaran ay Kasama sa Social Amelioration Program ng nasyonal na gobyerno na umaalalay sa mga mahihirap na kababayan natin naapektuhan ang kabuhayan ng COVID-19 pandemic. Ang Palawan at Occidental Mindoro lamang ang binigyan ng alokasyon sa programang ito dahil sila ay kasama sa mga probinsiyang nangunguna sa produksiyon ng bigas sa rehiyon at bansa. Samantala, ang Oriental Mindoro naman ay nakasama na sa alokasyon ng Rice Farmers Financial Assistance Program na kasalukuyang pinapatupad ng Kagawaran.  

Binase naman ang  pinagbigyan ng ayuda sa mga nakarehistro sa RSBSA upang masigurado na mabibigyan ng prayoridad ang mga maliliit na magsasaka.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.