Nagsagawa ang Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ng pagsasanay at oryentasyon para sa 36 Profilers at Geotaggers sa A&A Plaza Hotel, Puerto Princesa City nitong unang linggo ng Abril, 2025. Sa direktiba ni Regional Executive Director Christopher Bañas, inorganisa ito upang mapahusay ng DA-MiMaRoPA ang pangangalap ng datos at geotagging para sa profiling ng mga sakahan at magsasaka.
Sa pagsisimula ng aktibidad, nagbigay ng welcome message si APCO Vicente Binasahan. Ipinaliwanag niya kung gaano kahalaga ang RSBSA sa makabagong paraan ng pagkuha ng impormasyon tungkol sa agrikultura.
Ibinahagi ni Joshua Coquia ang layunin ng training—upang mas maintindihan ang proseso ng profiling, georeferencing, at paggamit ng sistema para sa database. Kapag wala ang RSBSA, maaaring hindi kumpleto o tama ang datos, na nakakaapekto sa pagbibigay ng tulong at paggawa ng mga desisyon para sa programang nauukol sa magsasaka.
Tinalakay din ang tamang proseso ng profiling at georeferencing, at kung paano gamitin ang sistema. Gayon din ang mga karanasan sa field at paghahanda para sa aktwal na gawain.
Nagkaroon ng hands-on training sa pangunguna ni Joen Canonoy ang mga kalahok kung paano gamitin ang Garmin Etrex at Garmin Basecamp para sa geotagging, pati na ang RSBSA platform.
Pinag-usapan din ang pag-updates ng profiling, preview ng system para sa LGU, at paggawa ng mga ulat. Ipinahayag din ni Melinda Arzaga ang mga isyu sa human resources at mga mungkahi para sa mas maayos na pagpapatupad, Nagkaroon ng plenaryong talakayan para sa mga tanong at suhestiyon.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, muling binigyang-diin ng RSBSA Training team ang kahalagahan ng RSBSA sa pagkakaroon ng mas organisado at data-driven na pamamaraan ng agricultural profiling. Ang pagtutok ng DA-MIMAROPA sa pagsasagawa ng aktibidad na ito ay nagpapalakas sa pagsulong ng modernisasyon sa sektor ng agrikultura at nagtitiyak na makakatanggap ng tamang tulong at serbisyo ang mga magsasakang Palawenyo.
Lubos namang pinasalamatan ng mga kalahok sa pamamagitan ni Allan Bongayan ang pagbibigay sa knila ng pagkakataon para sa makabuluhang pagsasanay na ito. Ayon sa kanya, “maraming bagong kaalaman ang naibahagi, at naipahayag ang mga mahahalagang katanungan mula sa field. Natutuwa akong lahat ng concern ay naipaliwanag at nasagot nang maayos. Nawa'y magamit natin ang ating mga natutunan sa trabaho upang lalo pang mapabuti ang ating serbisyo.”