Alinsunod sa Plant, Plant, Plant Program ng Kagawaran ng Pagsasaka kung saan hinihikayat ng ahensya na tangkilikin ng mga tao ang backyard farming, sinimulan na kamakailan ng Agricultural Program Coordinating Office sa probinisya ng Romblon ang pamimigay ng binhing pananim sa Municipal Agriculture Office ng Odiongan.
Ang mga binhing pinamigay ay mga gulay na pampakbet na maaaring hingin nino man na interesadong magtanim.
Ayon kay Engr. Reden F. Escarilla, isang Agri-technician sa bayan ng Odiongan, ang pamimigay ng mga binhi ay isa nang regular na programa ng DA-MIMAROPA. Dahil nga sa pinatupad na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon, ninais pa din ni Mayor Fabic na ipagpatuloy ang programang ito.
“Mayroon tayong ipinapamahagi sa Covered Court na Kasabay ng pagrerepack ng mga agricultural packs. Kung pupunta sila sa bayan upang mamalengke ay maaari silang dumaan sa court upang makahingi ng binhi. Mayroon din tayong mga barangay na nabigyan ng binhi upang doon nalang sila kumuha (mga residente),” Wika ni Engr. Escarilla.
Ang mga binhi na unang ipinamigay ng LGU Odiongan ay tira pa sa rehabilitation program noong bagyong Tisoy.
Sa ngayon, dumating na ang unang bugso ng mga binhing gulay na tumitimbang ng 64.55 kilo. Ito ay paghahati-hatiin at dadalhin sa iba’t ibang bayan sa Romblon upang maibahagi sa mga magsasaka at kung sino man ang nais magtanim. Ang pamimigay ng binhi ay pamamahalaan ng bawat Municipal Agriculture Office ng bawat bayan.
Ang Plant, Plant, Plant Program ng Kagawaran ay tugon ng Kagawaran upang maiwasan ang kakulangan sa pagkain dulot ng limitadong galaw ng produktong agrikultural sa loob at labas ng bansa. Sa ilalim ng programang ito, hinihimok ang lahat na magtanim sa kanilang bakuran upang maabot ng bansa ang seguridad sa pagkain sa kahit na may banta ng COVID-19.