Nananatili pa ring free o ligtas ang Rehiyong MIMAROPA mula sa African Swine Fever (ASF) simula nang magkaroon ng outbreak noong Setyembre ng taong 2019, ito ay ayon kay Regional Technical Director Elmer T. Ferry , ASF Focal Person ng Department of Agriculture MIMAROPA Region.
“Malaking tulong ang pagsasagawa ng DA-MIMAROPA ng emergency meeting tungkol sa ASF sa pangunguna ni Regional Executive Director Antonio Gerundio kasama ang mga Provincial at City Veterinary Office, Bureau of Animal Industry (BAI), National Meat Inspection Service (NMIS) at BAI-National Veterinary Quarantine Services”, ani RTD Ferry.
Kaugnay nito ang Regulatory Division mula sa Regional Office ay kasama ng mga veterinarians at livestock technicians mula sa mga Local Government Unit (LGU) sa inspection at monitoring sa mga nag-aalaga ng baboy upang masiguro ang kalagayan ng mga baboy sa lahat ng oras sa kanilang lugar. Agarang iniuulat sa DA-MIMAROPA kung ang mga baboy ay nagkasakit o nakitaan ng sintomas ng ASF,” paliwanang ni Dr. Vida Francisco, Veterinarian II ng DA-MIMAROPA.
Nagsasagawa rin ang mga LGUs ng inspection ng pork meat and meat by-products katulad ng delata sa mga palengke, supermarket at mall. Gayundin ang mga pagpupulong ng LGUs sa mga coastal barangays kasama ang mga barangay officials upang mahigpit na magbantay sa mga biyaherong nagdadala ng mga produkto sa ibang lugar.
Isa ring dahilan kung bakit ASF free ang rehiyon ay dahil sa agarang pagdedeklara ng “lockdown” ng mga probinsya sa pamamagitan ng Executive Order (EO) na mahigpit na nagbabawal sa pagpasok ng buhay na baboy, baboy-ilang, karneng baboy, naprosesong karne ng baboy at mga produkto o pagkain may sangkap mula sa baboy sa lahat ng probinsiya ng MIMAROPA. Ito ay napagkasunduan ng DA-MIMAROPA, BAI, NMIS, BAI-NVQS at ng Provincial at City Veterinary Office ng bawat probinsya upang maiwasan ang pagpasok ng sakit sa rehiyon.
Samantala, pinapayagan naman ang pagbibiyahe ng mga kataying baboy mula sa karatig na probinsya ng Oriental Mindoro sa Occidental Mindoro upang matugunan ang pangangailangan sa karne ng baboy. Ito ay sa bisa ng naamyendahang EO ng gobernador ng Occidental Mindoro.
“Ang mga biyahe ng baboy na ito ay kinakailangang may mga kaukulang dokumento patungkol sa pagbibiyahe ng hayop o kuwarantina,” sabi ni Dr. Kristofferson B. Gonzales, Provincial Veterinarian ng Occidental Mindoro.
Dahil sa ipinalabas na EO ng bawat ng probinsya naging mas maigting ang pagbabantay sa mga pantalan at mga paliparan. Mahigpit ding ipinatutupad ang pangungumpiska, pagdi-dispose at pagpapabalik ng mga meat products sa pinagmulan nito.
Kasama dito ang pagpapatupad ng mandatory inspection sa mga sasakyan, dalahin/bagahe ng mga pasahero na dumarating mula sa mainland Luzon. Gayundin ang pagsasagawa ng spraying at disinfection sa mga sasakyang galing sa barko at ganoon rin ang pag-iingat na ginagawa sa mga boundaries at checkpoints bago makapasok sa isang lugar.
Sa kabilang dako, mahigpit namang binabantayan ang mga online sellers sa Marinduque. Mayroon silang pasabuy at online seller task force na mahigpit na nagbabantay sa mga facebook groups at pages upang maiwasan ang pagbebenta o pag-aangkat ng produktong baboy mula sa ibang probinsya.
Ayon naman sa City Veterinarian ng Puerto Princesa City na si Dr. Indira Santiago, tumaas ang kita ng mga hog raisers sa kanilang lugar dahil sa pagtaas ng farm gate price simula nang ipinagbawal ang pagpasok ng karne ng baboy sa probinsya.
“Food establishments of national names are much affected since they sourced their pork products from outside the city,” sabi ni Dr. Santiago.
Patuloy pa rin ang pagsagawa ng ASF Awareness Campaign ng bawat probinsya sa pangunguna ng Provincial Veterinary Office sa mga Municipal Agriculture Office at hog raisers upang ipaalam sa kanila ang maaaring maging epekto at panganib sa kanila ng mga alagang baboy kapag pumasok ang sakit sa kanilang probinsya.
“Huwag magpakain ng kaning-baboy sa inyong mga alagang baboy. Itapon sa tamang lugar ang kaning-baboy. I-report kaagad sa barangay council, Municipal Agriculture/Veterinary Office o Provincial Veterinary Office ang anumang pagkakasakit o pagkamatay ng baboy sa inyong lugar,” ilan sa mga tagubilin sa mga mamamayan lalo na sa mga magbababoy ayon kay Dr. Gonzalez ng Occidental Mindoro.
Sa kasalukuyan, pinapanatili pa rin ang pagsasahimpapawid ng mga anunsyo at babala tungkol sa ASF ng mga local at national media sa mga local radio stations ng bawat probinsya. Naglagay rin ng mga tarpaulins sa mga strategic places at patuloy rin ang pamimigay ng mga babasahin sa mga taga MIMAROPA upang mapanatiling ligtas mula sa ASF ang rehiyon.