News and Events

Puerto Princesa City naglunsad ng Kadiwa On Wheels
Mula sa Puerto Princesa Food Terminal, naghatid ang truck na ito ng mga produkto gaya ng itlog at pakwan sa Brgy. Maunlad para sa ginanap na Kadiwa on wheels o Kadiwa sa Barangay. Larawan mula kay Daisy Bundal

Puerto Princesa City naglunsad ng Kadiwa On Wheels

Umarangkada na ang “KADIWA ON WHEELS” ng Kagawaran ng Pagsasaka sa Brgy. Maunlad, bayan ng Puerto Princesa noong Abril 13, 2020.

Ang KADIWA o “Katuwang sa Diwa at Gawa para sa Masaganang Ani at Mataas na kita” ay programa ng Kagawaran upang matugunan ang pangangailangan ng mga magsasakang maibyahe at maibenta ang kanilang mga produkto sa gitna ng ipinatupad na Enhanced Community Quarantine.

Ang City Agriculture Office ng Puerto Princesa City ay isa sa tumugon sa panawagan ni Kalihim William Dar sa pagsasagawa ng KADIWA upang makatulong ngayong may krisis dahil sa COVID-19.

“Ang pagkakaroon ng Kadiwa on Wheels o Kadiwa sa Barangay ay inilunsad sa panahon ng Enhanced Community Quarantine upang mailapit sa mga Barangays o kuminidad ang sariwang ani ng ating mga magsasaka at mangingisda sa abot-kayang presyo. Ito ay ating taos-pusong aksyon sa panawagan na tulong sa ating magsasaka at mangingisda at sa ating mga kababayan sa Puerto Princesa,” paliwanag ni City Agriculturist Melissa Macasaet.

Ang mga produktong ibinenta sa KADIWA on wheels ay galing sa mga asosasyon na ito: Puerto Princesa Agri Producers and Marketing Association, Sicsican Farmers’ Association, Sitio Busngol Farmers Association, Inagawan Kamuning Irrigators Service Association, Inagawan Organic Producers Association ,Luzviminda Seagrapes Growers’ Association at MKC Food Company. Ang mga asosasyong ito ay boluntaryong tumugon sa panawagan ng City Agriculture Office para maibenta ang kanilang produkto gamit ang programang ito.

Ilan naman sa mga produktong naibenta ay mga gulay at prutas, itlog, karne, lato, daing, lamayo, bagoong at pati na rin vermicast. Kulang 250 na katao mula sa pitong barangay sa Puerto Princesa City ang nakinabang sa programa. Nakabenta ang Kadiwa on Wheels ng 71,344.00 worth na produkto sa isang araw na pagbebenta sa Brgy. Maunlad.

Ang mga mamimili mula sa pitong barangay habang naghihintay ng kanilang oras para mamili.

“Malaki ang pasasalamat ko sa DA lalo na sa City Agriculture Office sa pagdala dito sa aming barangay ng KADIWA. Nakabili ang mga kabarangay ko ng mura at fresh na mga produkto. Marami sa amin ang natuwa dahil dito unang ginanap ang KADIWA,” tugon ni Kapitan Alfredo Mondragon Jr., punong barangay ng Brgy. Maunlad kung saan ginanap ang KADIWA on Wheels.

Habang namimili naman ang mga taga PPC, namahagi rin ang City Agriculture Office ng mga libreng binhi alinsunod sa Plant, Plant, Plant Program ng Kagawaran ng Pagsasaka. “Ang pamamahagi ng mga buto ng gulay sabay sa Kadiwa ay upang mapalaganap pa lalo ang Urban Gardening para magkaroon ng mapagkukunan ng masustansyang gulay ang bawat pamilya,” ani ni City Agriculturist Melissa Macasaet.

Ang KADIWA ON WHEELS sa pangunguna ng City Agriculture Office ay muling aarangkada sa Lunes, Abril 20 sa Brgy. San Jose, Puerto Princesa City.

Para sa karagdagang impormasyon patungkol sa pagbili at pagbenta ng produkto maaaring sumangguni kay Bb. Daisy Bundal ng City Agriculture Office sa numerong 0995-323-4782.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.