News and Events

Proyektong paghahayupan mula sa SAAD Program Phase 2, unti-unti nang lumalago
Makikita sa larawan ang mga kasapi ng Kalipunan ng Liping Pilipina San Jose, Romblon Municipal Federation (KALIPI) sa bayan ng San Jose, Romblon, ang mga kambing na kanilang natanggap mula sa SAAD Program Phase 2, at mga anak ng mga ito.

Proyektong paghahayupan mula sa SAAD Program Phase 2, unti-unti nang lumalago

Unti – unti nang dumarami ang mga hayop na ipinagkaloob ng Department of Agriculture- Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) MIMAROPA sa pitong (7) samahan sa mga lalawigan ng Occidental Mindoro, Romblon, at Palawan.

Pag-aalaga ng mga Kambing

Limang (5) samahan ang pinagkalooban ng mga interbensyon sa ilalim ng Goat Production Project na may kabuuang halaga na Php 2,973,500.  Ang proyektong ito ay namahagi ng 166 na mga native na kambing at 125 rolyo ng cyclone wire.  Tinanggap ang mga ito ng Talaotao Farmers Association (TFA) sa Looc, Occidental Mindoro; Rural Improvement Club Caguisan (RIC Caguisan) at Carwang Danglis Maubas Farmers Association (CARDAMA FA) sa Balabac, Palawan; Kalipunan ng Liping Pilipina San Jose, Romblon Municipal Federation (KALIPI) sa San Jose, Romblon; at Samahan ng Magsasaka ng Sampong (SAMASA) sa bayan naman ng Concepcion, Romblon.

Inaalagaan ng mga kasapi ng KALIPI, SAMASA, RIC Caguisan, at CARDAMA FA ang mga kambing sa kani-kanilang communal farm, habang indibidwal naman ang naging sistema ng pag-aalaga ng mga kasapi ng TFA bunsod ng kakulangan sa mga damo sa kanilang pastulan.

Hanggang noong Pebrero 2024, may 18 anak ang mga kambing habang 12 ang inaasahang manganganak pa sa pagitan ng Mayo hanggang Hunyo.

Pag-aalaga ng mga Baboy

Umaabot naman sa Php 1,758,410 ang halaga ng mga interbensyon na ipinagkaloob sa San Jose Swine Raisers Association (SJSRA) sa Brgy. Lanas, San Jose, Romblon.  Nakatanggap ang samahan ng 20 inahin, 1 barako, 200 sako ng pakain, 80 litro ng mga gamot at bitamina, at kulungan.  Sa kasalukuyan, umaabot sa 39 ang mga biik ng samahan at may apat (4) na inahin pa ang buntis.

Sa tulong ng lokal na pamahalaan ng San Jose, sa pamamagitan ng Municipal Agriculture Office (MAO), masigasig na pinoprotektahan ng SJSRA ang kanilang mga baboy laban sa banta ng African Swine Fever (ASF) lalo pa at apektado na nito ang mga kalapit na isla ng Mindoro at Tablas.  Mahigpit na ipinagbabawal ng LGU ang pagpasok sa Carabao Island ng mga baboy at anumang produkto mula dito. 

Plano ng samahan na pataasin ang populasyon ng mga baboy sa kanilang lugar upang matugunan ang pangangailangan sa karne nito, at sakaling may labis sa kanilang suplay ay nakatakda nila itong ibenta sa mga kalapit na isla at makibahagi sa muling pagpaparami ng mga baboy sa mga lugar na apektado ng ASF.

Pag-aalaga ng mga Baka

Samantala, naging benepisyaryo ng Cattle Production Project ang Samahan ng Magsasaka ng Bulacan (SMB) sa Brgy. Bulacan, Looc, Occidental Mindoro. Nakatanggap ang naturang asosasyon ng Php 1,041,400 na halaga ng mga interbensyon kabilang na ang 25 mga baka.

Dahil sa kakulangan sa damo sa kanilang pastulan bunsod ng mainit na panahon, indibidwal rin ang naging pangangalaga ng mga miyembro sa kanilang mga baka.  Mula nang matanggap ang mga ito noong nakaraang taon, mayroon na silang apat (4) na guya, habang tatlo (3) naman ang posibleng nagbubuntis.

Layunin ng SMB na makapagtayo ng multiplier farm, i-angat ang sektor ng paghahayupan, at makatulong sa kasapatan ng pagkain sa kanilang komunidad.  Maliban sa Bulacan, plano rin ng samahan na ibenta ang kanilang mga baka sa mga kalapit na isla ng Talaotao, Ambil, at Lubang.

Nagpapasalamat ang mga magsasaka sa SAAD Program sa pagbibigay sa kanila ng oportunidad na palaguin ang kanilang paghahayupan.  Ayon kay G. Carl Fabregas, pangulo ng SAMASA, magbibigay sa kanila ang proyekto ng alternatibong mapagkakakitaan.

“Sa DA at sa SAAD, maraming - maraming salamat po sa inyo. Napakalaking tulong po ito sa amin lalo na sa mga member. Maraming - maraming salamat po na nabigyan kami ng ganitong project.  Pinapangako ko po bilang presidente ng asosasyon na pangangalagaan namin itong project na binigay ng SAAD,” aniya.

Samantala bilang karagdagang suporta sa kanilang produksyon, makatatangap rin ang mga nasabing samahan ng iba pang ayuda mula sa SAAD Program tulad ng mga pananim para sa pagkain ng mga hayop, mga interbensyon sa pagtatanim ng gulay, pagproseso ng karne, at pagsasanay sa pagma-market at pagbebenta ng kanilang mga produkto.   Layunin nito na palakasin pa ang mga magsasaka upang maging mga agriprenuer sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanilang ng mga kasanayan at kagamitan na kinakailangan upang magtagumpay sila sa agrikultural na pagnenegosyo.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.