Pormal nang inilunsad ang programang “Benteng Bigas Meron (BBM)Na” sa bayan ng San Jose, Occidental Mindoro noong Hunyo 10, kasunod ng anunsyong ginawa ni Kalihim Francisco Tiu Laurel, Jr. ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) sa kanyang pagbisita sa lalawigan.
Layunin ng programa na magbigay ng abot-kayang bigas sa halagang ₱20.00 kada kilo sa mga piling benepisyaryo, bilang tugon sa isinusulong na food security at kaginhawaan para sa mga mamamayang kabilang sa mga vulnerable sector.
Naisakatuparan ang unang yugto ng programa sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Department of Agriculture – MIMAROPA, Pamahalaang Lokal ng San Jose, Pamahalaang Panlalawigan ng Occidental Mindoro, at sa pakikipag-ugnayan sa Kaagapay Kilusang Bayang Tagapagpaunlad (Kabalikat) Multi-Purpose Cooperative (MPC) at Tamaraw Development Cooperative.
“Nagpapasalamat ako sa Pamahalaang Lokal ng San Jose, Pamahalaang Panlalawigan ng Occidental Mindoro, sa Kabalikat MPC at Tamaraw Development Cooperative sa kanilang pakikipagtulungan upang maihatid po natin ang BBM Program sa mga vulnerableng sektor sa San Jose. Sa Pamahalaang Lokal ng San Jose sa pangangailangan sa logistics, Pamahalaang Panlalawigan para sa fuel cost, sa TADECO sa pagpapahiram ng kanilang Kadiwa Truck, at Kabalikat MPC para sa pagbili ng mga bigas sa NFA,” ani ni DA-MIMAROPA Regional Executive Director Atty. Christopher Bañas
Ayon naman sa talaan Municipal Agriculture Office ng San Jose, mahigit 450 benepisyaryo kabilang ang mga senior citizen, solo parent, persons with disabilities (PWDs), at mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng DSWD ang nakabili ng hanggang 10 kilo ng bigas sa presyong ₱20 kada kilo.
Dagdag pa rito, sinabi rin nila na kanilang iikot ang distribusyon ng bigas kada linggo sa iba’t ibang barangay upang mapalawak ang saklaw ng programa at mas marami pang mamamayan ang makinabang.
Ang programang ito ay isa sa mga konkretong hakbang ng pamahalaan upang tugunan ang mataas na presyo ng bigas at masiguro ang sapat at abot-kayang suplay nito sa mga komunidad, lalo na sa mga sektor na higit na nangangailangan.