Nagdaos ng pagsasanay sa produksiyon ng kabuteng-saging ang Mushroom Production Project na nasa ilalim ng Rice Program ng Department of Agriculture MIMAROPA Region katuwang ang Bureau of Plant Industry, ika-22 hanggang ika-23 ng Pebrero sa Calapan City, Oriental Mindoro.
Dinaluhan ang pagsasanay ng mga mushroom growers sa lalawigan kasama ang mga mushroom provincial coordinators sa Mindoro, Palawan at Marinduque. Naging panauhin naman at nagbigay ng inspirasyunal na mensahe si Agricultural Program Coordinating Officer Artemio Casareno bilang kinatawan ni Regional Executive Director Engr. Ma. Christine C. Inting. Ayon kay Mushroom Production Project Focal Person Marissa Vargas, bahagi ang nasabing pagsasanay ng pagsusulong ng adbokasiya ng Rice Program na magkaroon ng karagdagang mapagkakakitaan ang mga magsasaka maliban sa produksiyon ng palay lalo pa at isa sa mga pangunahing kailangan upang makaprodyus ng mga kabute ay ang dayami mula sa mga inaning palay.
“Itong straw mushroom production training o tinatawag nating kabuteng-saging ay kauna-unahang training ng kabuteng-saging dito sa MIMAROPA na naglalayong i-capacitate natin ang ating mga provincial mushroom coordinators sa iba’t ibang probinsiya ng MIMAROPA at maibahagi rin natin sa ating mushroom growers. Itong training ay bahagi po ng advocacy ng Rice Program para magkaroon po ng dagdag kita ang ating mga rice producers sa MIMAROPA and we are hoping na ito ay ma-extend sa ibang provinces ng MIMAROPA,” pahayag niya.
Naging tagapagsanay si Hazel Joy M. Pasis, Science Research Specialist I mula sa Crop Culture and Management Section ng BPI kasama si Jonnhel S. Aguilar, farmworker ng ahensiya na siyang nagpakita ng tamang preparasyon ng dayami at dahon ng saging na ginagamit bilang substrate.
“We are strengthening ang ating community sa pagpaparami ng native na kabuteng-saging, ang pagpapatubo ng kabuteng-saging ay minimal ang maintenance dahil ito po ay isang tropical mushroom o pangmainit so basically ‘yong kaniyang growing temperature ay achievable because we are a tropical country so adaptable sa atin and very feasible dahil dito talaga nagmula ang ating mga methods na ginagamit at mga na-adopt na teknolohiya na na-modify na lang po natin,” pahayag ni Pasis.
Kabilang sa mga itinuro sa mga kalahok ang mga nutrisyong taglay ng kabute, paggawa ng planting spawn kung saan maaaring gamiting mixture ang dahon ng saging, dayami, balat ng munggo, apog at asukal, pasteurization para mawala ang mga contaminants gaya ng mga bacteria na maaaring makaapekto sa pagpapalaki ng mga kabute, paggawa ng panimulang binhi at mother culture ganon rin ang cultural management nito.
Paalala niya na kapag nakikitang tumutubo na ang kabuteng-saging, panatilihin ang temperatura sa 30-37 degree Celsius para tuloy-tuloy ang produksiyon, may tamang bentilasyon, diligan kada limang (5) araw o araw-araw depende sa pangangailangan ng naihandang patubuan ng kabuteng-saging. Para maiwasan naman ang kontaminasyon, huwag aniyang hayaang labis na malantad sa init ng araw at tiyakin na malinis at napapalitan kada 12 oras ang tubig na gagamitin sa pagpapalambot ng substrate o patubuan.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga lumahok sa pagsasanay dahil sa mga dagdag kaalaman na kanilang natutunan kabilang na ang mushroom grower mula sa bayan ng Naujan na si Nerri S. Fontanilla. Aniya, “Very thankful po ako sa training na ito dahil ngayon ko lang natutunan ang hindi mag-steam. Napakaganda po ng potential sa straw mushroom, talagang na-appreciate ko ng todo ang training na ito kasi wala nang steaming na gagawin. Marami pong salamat sa inyo.”