News and Events

Produksiyon ng bawang sa Bulalacao, muling bubuhayin
Upang matiyak na hindi mauubos ang mga pananim na bawang mula sa DA, nagtitira ng mga benepisyaryo ng mga gagamitin bilang binhi para sa susunod na taniman.

Produksiyon ng bawang sa Bulalacao, muling bubuhayin

Buhayin at muling palakasin ang produksiyon ng bawang sa bayan ng Bulalacao - ito ang pangunahing layunin ng ginawang pamamahagi ng Department of Agriculture MiMaRoPa – High Value Crops Development Program (HVCDP) ng 2,000 kilo ng mga pananim na bawang na nagkakahalaga ng P590,000.00 sa Brgy. Cabugao, Bulalacao, Oriental Mindoro kamakailan.

Malugod na tinanggap ng mga kasapi ng Cambayang Farmers Association (CFA) ang mga ayudang pananim na bawang kung saan tumanggap ng tig-25 kilo ang 49 na miyembro ng samahan.  Pinangunahan nina HVCDP Provincial Coordinator Arjay Burgos, Agriculturist II at Technical Staff Gerald Alapar, Agriculturist I, ang distribusyon katuwang ang Municipal Agriculture Office ng Bulalacao sa pamamagitan nina Municipal HVCDP Coordinator Maycil Cabagay at Indigenous People Coordinator Ike Inggo. 

Sabay–sabay na kumuha ng mga pananim na bawang ang mga kasapi ng CFA. Anila, malaking tulong ang mga libreng pananim na tulad nito mula sa Dept. of Agriculture.

“Maraming salamat po dahil ilang taon na po kaming nakatatanggap ng biyaya tulad ng [mga pananim na] bawang, sibuyas at iba pang biyaya gaya nitong onion hanger.  Kaya kami po ay nagpapasalamat sa tuloy-tuloy na biyaya.  Maraming salamat at kami ay nabibiyayaan ng gobyerno ng [mga] ganitong bagay,” pasasalamat ni Elvira Bernardo, kasapi ng CFA.

Ang CFA ay binubuo ng mga residente ng Sitio Cambayang, Brgy. Cabugao.  Ang nabanggit na barangay ay isa sa apat (4) na barangay sa Bulalacao na nagtatanim ng bawang kasama ng Brgy. Cambunang, Maujao at Nasucob. 

Ibinahagi naman ni HVCDP Municipal Coordinator Cabagay ang dahilan ng paghina ng produksiyon ng bawang sa bayan. Ito ay sanhi aniya ng kawalan ng merkado o mapagbebentahan ng mga magsasaka ng kanilang mga aning bawang, idagdag pa ang mas mahirap at mas magastos na pagtatanim anila ng mga bawang.   

“Umaasa tayo na sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga libreng pananim na bawang ay mahihikayat natin sila sa mas malawak na pagtatanim ng bawang,” pahiwatig ni Cabagay. 

Kanya ring ipinangako na kikilos sila para magkaroon ng mas malaking mapagbebentahan ng ani ang mga magsasaka at nang hindi lubusang mawala ang mga nagtatanim ng bawang lalo pa at dito aniya unang nakilala ang Bulalacao.  

Ipinagpapatuloy naman ng DA MiMaRoPa - HVCDP ang suporta sa planting materials ng mga magsasaka habang nauna na silang nagbigay sa asosasyon ng onion hanger, water pump at mga pananim.  Gaya ng ibang proyekto, regular rin anilang bibisitahin at gagabayan ang mga magsasaka sa hangaring makatulong sa pagpapalawak muli ng mga taniman ng bawang sa naturang bayan.

Samantala, ang mga ipinamahaging planting materials ng white garlic ay mula sa Lubang, Occidental Mindoro.  Taun-taon, naglalaan ng pondo ang HVCDP MiMaRoPa para magbigay ng mga pananim na bawang at sibuyas sa bayan ng Bulalacao.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.