Aabot sa 420 pirasong na plastic crates ang ipinamahagi sa mga Farmers’ Association sa probinsya ng Marinduque. Ito ay ngakakahalaga ng Php 419,160.00 mula sa High Value Crops Development Program ng Department of Agriculture MIMAROPA Region.
“100% ng FA sa probinsya ay nabigyan ng plastic crates. Ang pamimigay ay batay sa dami ng magsasakang nagtatanim ng gulay at sa volume ng production nila,” wika ni Dr. Lucilla J. Vasquez, Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) ng Marinduque.
Isa sa problema ng mga magsasaka sa probinsya ay ang kawalan ng maayos na lalagyan para sa kanilang produkto. Madalas ay sa kahon, kaing o sako nila nilalagay ang mga gulay na dinadala nila sa sa mga pamilihan.
“Kada Martes nagdadala at nagtitinda kami ng arrowroot cookies at mga gulay sa munisipyo at napakahirap magdala lalo na’t sa kahon lang namin ito dating inilalagay. Nasisira at nade-deform ang mga gulay at nagkakaroon pa ito ng mga sugat,” wika ni Ginoong Wilfredo Nazareno, Presidente ng Bahi Agricultural and Fisheries Association sa Gasan, Marinduque.
Pagkasira ng mga produktong gulay ang isang dahilan kung bakit naaapektuhan ang kita ng bawat magsasaka. Bumababa ang presyo nito dahil sa mga gasgas, sugat at pagkalamog.
Ayon kay G. Marcelino Landig, Presidente ng Mogpog Vegetable Growers Asssociation na may 103 na miyembro, malaking tulong sa kanila ang natanggap na 60 pirasong plastic crates dahil hindi na nagagasgasan ang kanilang mga gulay lalo na ang ampalaya. Nakaayos na ito ng maganda at hindi na maaapektuhan ang ibang gulay kapag nagkakapatong-patong na.
“Kami po ay ngpapasalamat hindi lamang po sa crates na naibigay ninyong kahilingan naming kundi na rin sa mga makinarya. Ito po ay malaking tulong sa aming mga magtatanim, yung production namin ay menos ang sira ng gulay dahil sa plastic crates,” pasasalamat ni G.Landig.
Pasasalamat rin ang nais ipabatid ni Ginang Rosalinda Ogalinola ng Caingangan-Bagtingon Vegetable Growers Association sa bayan ng Gasan dahil sa pirasong plastic crates mula sa kagawaran.
“Sobra ganda dahil safe ang aming mga produkto. Hindi na napipipi kapag nakalagay na sa tricycle. Magandang ring idala sa palengke dahil kahit wala ng kilohan ay bultuhan nalang ang benta. Maraming salamat sa DA-MIMAROPA dahil sa tulong na ibinigay nyo sa aming asosasyon,” sabi ni Gng. Ogalinola.
Nakatanggap ang bawat munisipyo ng tig-68 pirasong plastic crates. Samantala, ang natitirang 12 na piraso ay ipamimigay sa gaganaping gulayan sa barangay.
Ang pamamahagi ng plastic crates ay pinamahalaan ng APCO sa pangunguna ni Dr. Vasquez.