News and Events

Plant Tissue Culture Facility ng DA-MIMAROPA nabigyan na ng akreditasyon ng Bureau of Plant Industry
Malugod na tinanggap ni Plant Tissue Culture Facility In-Charge Catherine E. Castro at mga opisyal ng DA MiMaRoPa sa pangunguna ni OIC, RED Engr. Ma. Christine C. Inting ang Certificate of Accreditation ng PTCF mula sa BPI.

Plant Tissue Culture Facility ng DA-MIMAROPA nabigyan na ng akreditasyon ng Bureau of Plant Industry

Opisyal nang iginawad ng Bureau of Plant Industry (BPI) sa Plant Tissue Culture Facility (PTCF) ng Department of Agriculture MIMAROPA ang Certificate of Accreditation matapos itong matagumpay na makapasa sa mga panuntunang itinakda ng nabanggit na ahensiya.  Ang nasabing pasilidad ng DA MIMAROPA ay matatagpuan sa Regional Integrated Agricultural Research Center (RIARC), Brgy. Alcate, Victoria, Oriental Mindoro. Ito rin ang kauna-unahang government-owned PTCF sa buong bansa na nakatanggap ng akreditasyon mula sa BPI. 

Naging bahagi ng proseso ng akreditasyon ang ebalwasyon at pagbisita sa PTCF nina Dr. Jonar Yago, Deputized Plant Tissue Culture Evaluator ng BPI at ni NSQCS Consultant Dr. Rene Rafael Espino noong Mayo 2022.

Ang pagkakaroon ng akreditasyon mula sa BPI ay pagpapatunay na nasunod ng pasilidad ang mga hinihingi ng Department Circular No. 03, Series of 2020, Revised General Guidelines for the Accreditation of Plant Tissue Culture Facility (PCTF) for the Production of Quality Planting Materials. Ibig sabihin nito ay napatunayan ng PCTF ng DA-MIMAROPA na may kakayahan sila na makapagprodyus na mga de kalidad at walang sakit na mga pananim na saging na maaaring ipamahagi hindi lamang sa MIMAROPA kungdi maging sa ibang lugar sa bansa.Sakop din ng nasabing akreditasyon ang Banana Planting Materials. 

Malugod na tinanggap nina OIC, Regional Executive Director Engr. Ma. Christine C. Inting, Research Division Head Romnel Salazar, Regulatory Division Head Michael Graciano Iledan, HVCDP Regional Focal Person Renie Madriaga, RIARC Center Chief Jovilito Landicho, at Plant Tissue Culture Facility In-Charge Catherine E. Castro ang sertipiko  na may Accreditation Number: BPI-NSQCS-4B-N-08/27-011 mula kay NSQCS Oriental Mindoro Chief Arceli Rioja.  Sinubaybayan ng mga opisyal ng DA MIMAROPA sa pangunguna ni dating Regional Executive Director Antonio G. Gerundio at PTCF In-Charge Castro ang ang pagsasaayos ng kinakailangang mga dokumento lalo na ang manual ng mga alituntunin ukol sa tissue laboratory para sa akreditasyon at naigawad bago magretiro ang huli na nagsilbing isa sa kaniyang mga naiwang legasiya sa ahensiya.

Epektibo ang nasabing akreditasyon mula ika-17 ng Agosto, 2022 hanggang ika-16 ng Agosto, 2027 na nilagdaan ni BPI OIC Director Gerald Glenn F. Panganiban.  Ayon kay  NSQCS Oriental Mindoro Chief Arceli Rioja kaakibat nito ang responsibilidad na panatilihin ang pagsunod sa mga itinakdang mga polisiya sa loob ng pasilidad.

Aniya, “Kailangang sundin ninyo kung ano ang protocols, ano ang nasa guidelines para makapagproduce ng good quality planting materials at panatilihin ang good sanitation to avoid contaminants.  Kabilang sa protocols na ito ang cleanliness, sanitation, at ang training ng mga personnel sa tissue culture”.

Mga karagdagang suporta

Bilang OIC, RED ng DA MIMAROPA, nagpahayag ng kagalakan si Engr. Ma. Christine C. Inting kasunod ang pangako ng suporta sa PTCF.

“Nagpapasalamat at nagagalak po tayo sa BPI NSQCS sa pagbibigay nila ng pagkilala bilang kauna-unahang government-owned plant tissue culture facility sa buong bansa.  Para po sa kabatiran ng lahat, ang atin pong Plant Tissue Culture Facility ay naglalayon na mapabilis ang production at makapagparami ng mga pananim na saging na may kalidad at ligtas sa anumang sakit. Bilang OIC, RED ng DA MIMAROPA, ang nais kong siguruhin sa ating Plant Tissue Culture Facility ay ang pagkakaroon ng sapat na pondo upang ito ay patuloy na makapagproduce ng disease-free at high-yielding banana planting materials na puwedeng maipamigay sa ating mga magsasaka,” mensahe ng opisyal.

Siniguro rin ni HVCDP MIMAROPA Regional Focal Person Renie Madriaga ang pagpapatuloy ng suporta ng programa sa PTCF.

“Ang HVCDP ay mayroon pong yearly na pondo para po sa labor, maintenance and agricultural supplies na kelangan to produce quality planting materials ng banana.  Instead rin po na bumili sa private na mga nursery ay andito na po sa istasyon ang dini-distribute na planting materials ng banana for farmers. Umasa po kayo na tuloy-tuloy ang pagsuporta na gagawin ng HVCDP dito sa ating tissue culture laboratory para makapagtanim ng quality planting materials ang magsasaka dito sa Rehiyong MiMaRoPa,” pahayag ni HVCDP Regional Focal Madriaga.

Bilang Center Chief naman ng RIARC, inilatag ni Dr. Jovilito Landicho ang mga plano at kailangan para sa pagpapaunlad ng PTCF.  Nagpasalamat rin siya sa Regulatory, Research, at Integrated Laboratory Divsions ng DA MIMAROPA ganon rin sa NSQCS sa akreditasyon.

Aniya, “Ang dapat gawin o suporta na kailangan ay magkaroon ng upgrading ng facility and equipment and upscaling kasi ang seserbisyuhan natin dito ay hindi lang Mindoro kungdi buong Pilipinas na; magkaroon ng researches about banana tissue culture; magkaroon ng additional technical staff and laborer para maokupahan ang mga kelangan na orders; at info bulletin para sa package of technology”.

Samantala, upang matiyak na magiging maayos ang proseso ng akreditasyon, nagbigay rin ng buong suporta ang Regulatory Division ng DA MIMAROPA.  Ayon kay Division Head Michael Graciano Iledan, bahagi ng tungkulin nila na tulungan ang mga kliyente ng tanggapan sa pagproseso, pagkumpleto ng mga kailangang dokumento, pagkakaroon ng maayos na koordinasyon sa ahensiyang magbibigay ng akreditasyon hanggang sa makapasa ang mga ito gaya ng PTCF. 

“Ang Regulatory Division ang naglilink, nagbibigay ng information sa applicants ganon rin siya ang nagpaprocess, tumutulong sa mga documents na kailangan, sa mga necessary requirements na kailangang i-submit sa BPI. Pinapakita natin na mayroong coordination ang Regulatory Division between the BPI and applicants para mameet natin ang hinahangad na accreditation,” aniya.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.