Idinaos sa buong bansa ang Buwan ng Magsasaka at Mangingisda na may temang “Pagpupugay sa mga magsasaka at magingisda natin sa sapat na pagkain” noong Mayo 26.
Ang temang ito ay nagpapakita kung paano nanatiling masipag ang ating mga magsasaka at mangingisda sa kabila ng pandemya upang magkaroon tayo ng tuloy-tuloy na suplay ng pagkain.
“Ang ating layunin sa programang ito ay upang mabigyan ng pagpupugay ang ating mga magsasaka at mangingisda lalo't lalo na sa ganitong pagkakataon kung saan nagkaroon tayo ng experience sa epekto ng COVID-19,” pagpapahayag ni Agriculture Program Coordinating Officer (APCO) Vicente Binasahan Jr.
Bilang parte ng selebrasyon ng Buwan ng Magsasaka at Mangingisda, ang Kagawaran ng Pagsasaka-MIMAROPA sa tulong ng Palawan Research and Experiment Station (PRES) at ng Puerto Princesa City (PPC) Office ay pormal na nilunsad ang Plant, Plant, Plant Program (Agri4Ps) o Ahon Lahat, Pagkaing Sapat (ALPAS) Kontra COVID-19 sa Lungsod. Layunin ng program ana mas pag-igtingin pa ang pagsulong sa nasabing programa lalo na ang Urban Gardening sa Lungsod.
Nagkaroon ng ceremonial planting activity ang DA-PRES at PPC Office sa City Park, Puerto Princesa City kung saan nagbigay ng mga binhing pananim ang Kagawaran. Samantala, ang PPC Office naman ang nagtukoy kung saan maaring itanim ang mga ito.
Ang Urban Garden sa Puerto Princesa City Park ay sinimulang taniman ng mga gulay noong nagsimula ang Enhanced Community Quarantine sa Luzon. Ayon kay City Agriculturist Melissa Macasaet, naging malaking tulong ito at inspirasyon para sa mga mamamayan ng PPC na nagnanais magtayo rin ng kanilang sariling garden.
“Maraming pumupunta dito sa Urban Garden ng City Park para magtanong kung paano din sila makakapag-establish ng sarili nilang garden. Kasi sinasabi namin na meron kang savings na 20% sa household expenses mo kung meron kang sariling resource ng pagkain o gulay sa bawat bahayan,” paglalahad ni City Agriculturist Macasaet.
Inilahad rin ni PPC Mayor Lucilo Bayron ang kanilang suporta para sa mga magsasaka at mangingisda ng bayan, “Gusto kong ipaalam sa mga magsasaka natin at mga mangingisda na itong taon na ito hindi lang 30 farm to market road ang bubuksan natin. Dati wala sa programa yun pero dahil nakita natin yung importansya ng produksyon ng pagkain nag-identify tayo ng farm-to-market roads upang magkaroon ng maaos na daanan ang ating mga magsasaka at mangingisda.”
Sa ilalim rin ng Agri 4Ps ng Kagawaran, tuloy tuloy parin ang Kadiwa Market na matatagpuan sa PRES Office, Sta. Monica, Puerto Princesa City. Layunin ng programang ito na bigyan ng transportasyon at magandang market ang mga produkto ng ating mga magsasaka at mga mamamayan na magtatanim sa kani-kanilang mga bakuran.
“Ang programang ito ay nakasuporta rin sa Kadiwa Project. Just in case na maraming magtanim at magkaroon ng problema sa market ay nandyan po ang ating Kadiwa Program na nagmula sa DA. Ang advantage po ay makakabili ng sariwang gulay ang ating mga consumers direkta sa magsasaka sa mababang presyo at matutulungang ang mga magsasaka na magkaroon ng market opportunity,” ayon kay APCO Binasahan.
“Sana maging inspirasyon yung pinagdaanan nating problema. Hindi pala masamang magtanim ng magtanim dahil mayroon tayong kita dito. Kung iniimport natin ang mga gulay natin, bakit di nalang tayo magtanim dito para hindi na tayo mag import, tayo nalang ang magbenta,” hamon ni Mayor Bayron bilang pagtatapos na mensahe sa idinaos na ceremonial planting ceremony.