News and Events

Php 5 milyong grant sa Marinduque State College mula sa National Livestock Program, napapakinabangan na
Mga benepisyaryo ng Free range chicken mula sa Marinduque State College kasama ang project members at opisyales mula sa Department of Agriculture at MSC.

Php 5 milyong grant sa Marinduque State College mula sa National Livestock Program, napapakinabangan na

Napapakinabangan na ng mga magsasaka ang Php 5 milyong grant na binigay sa Marinduque State College mula sa Bayanihan Act II ng National Livestock Program. Ang programang ito ay naglalayon na tulungan  ang mga naapektohan ng pandemya sa pamamagitan ng pagbuhay ng local livestock at poultry sector ng bansa.

Ito ay naisasakatuparan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng Kagawaran ng Pagsasaka-National Livestock Program sa mga Local Government Unit (LGUs) at mga State University and College (SUCs) sa bansa.  Sa rehiyon ng MIMAROPA ang Marinduque State College (MSC) ang napili na SUC para pagkalooban ng ganitong programa.

Ginamit ng MSC ang natanggap na grant para sa Free-range Layer and Broiler Chicken Multiplier breeder farm project. Ang pondong ito ay kanilang ginamit upang makapagpatayo ng Layer Area, Incubator Area/Hatchery at Brooding House at ang ibang pondo ay ipinambili ng layer at broiler chicken na may breed na Rhode Island Red and White. Bilang counterpart ay naglaan naman ang MSC ng 1.5 na ektarya na pagtatayuan ng kanilang multiplier breeder farm.

Sa pamamagitan ng proyektong ito ang MSC ay nakapagsimula ng mamahagi ng mga manok sa mga magsasakang nagnanais na mag-alaga ng manok. Kailangan lamang nilang dumalo sa 2 araw na pagsasanay patungkol sa pag-aalaga ng manok at kailangan din tingnan ang kanilang kapasidad na mag-alaga ng mga ito.

Isa sa benepisyaryo ng programang ito si Pamela Peña ng Sitio Balimbing, Brgy. Napo, Sta. Cruz, Marinduque. Nakatanggap siya ng 82 broiler at 89 layer chicken.

Ang mga manok na kanyang natanggap ay nais niyang paramihin upang makapag-produce siya ng quality meat at eggs sa kanilang bayan. “Sa binigay sa amin ng MSC at ng DA, kami ay labis na nagpapasalamat. Ito ay isang malaking tulong sa amin para makapagpadami pa ng mga manok at makapagprovide pa ng itlog at karne sa community namin,” pasasalamat ni Gng. Peña.

Nagkaroon naman ng Ceremonial Free-Range Chicken Stock Dispersal sa MSC noong ika-29 ng Hunyo  kung saan nagkaloob sila ng mga manok sa tatlong (3) magsasaka na nakatapos sa kanilang training at nakapasa sa kanilang mga requirements para makatanggap ng manok.

“Ako po ay lubos na nagpapasalamat sa mga taga-agriculture na napakaraming biyaya na ang naibigay sa akin. Itong mga ito ay lubhang makakatulong sa aking pamumuhay. Pagsisikapan ko pong mapalago ang mga ito para makatulong hindi lang sa sarili ko at sa pamilya ko kung hindi pati na rin sa lahat ng nangangailangan,” pahayag ni G. Rosendo Quezada na nakatanggap ng 63 layer at 40 broiler chicken.

Pagtanggap ni G. Quezada ng 63-layer chicks

“Malaki ang maitutulong nito sa akin, lalo na sa pamilya ko dahil ito ay hindi agad kailangang bayaran. At sa demand ng karne ng manok sa probinsiya namin ay sigurado pong malaki ang kikitain sa laki ng demand. Ako po ay lubos na nagpapasalamat, ako po ay dating OFW na naapektuhan ng pandemic at ngayon ay isa po ito sa nakakatulong sa akin sa pagtaguyod sa aking pamilya,” ani ni Marius Rivamonte na nakatanggap ng 95 heads na broiler chicken.

“Sa DA po, maraming marami pong salamat. Taos-puso po kaming nagpapasalamat at sana ay maging sustainable ang proyektong ito upang makatulong sa iba para sa added income at makapagbahagi pa tayo ng ating kaalaman sa mga kalapit bayan na interesado sa free-range chicken,” sa mensahe ni Dr. Ma. Edelwina Blase, VP for Research and Extension ng MSC.

Patuloy ang pagpapaunlad ng MSC ng multiplier breeder farm, sa ngayon ay iniimprove pa nila ang kanilang stock room at ang biosecurity measures.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.