News and Events

Paggawad ng sertipiko ng mga punlang pananim kay Tagbanua Tribe Leader  Rosendo B. Zafra.
Paggawad ng sertipiko ng mga punlang pananim kay Tagbanua Tribe Leader Rosendo B. Zafra.

PBBM Agri-Serbisyo Para sa Kapatid na Katutubo at Linggo ng Kalikasan sa PPC

PUERTO PRINCESA CITY. Kasabay ng Nationwide Distribution of Comprehensive Government Assistance, nagsagawa ng pagbabahagi ng mga punla ang Kagawaran ng Pagsasaka sa Rehiyon ng MIMAROPA sa mga kapatid na katutubo sa Tagbanua Central, Brgy. Montible, Puerto Princesa City, ika-13 ng Setyembre.

Ang aktibidad ay pinamagatang PBBM Agri-Serbisyo para sa mga Kapatid na Katutubo at Linggo ng Kalikasan bilang pakikibahagi sa pagdiwang ng kaarawan ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at pakikiisa sa 124th Civil Service Month.

Isang daang punla ng langka at kasuy mula sa DA- Palawan Research Experiment Station (DA-PRES)  at 100 hybrid coconut seedlings mula sa Philippine Coconut Authority (PCA) ang binahagi sa nasabing tribo. Sinamahan pa ito ng ilang grocery packs at pagkain para sa mga dumalo sa pagtitipon. Nagkaroon din ng planting demo ng tamang pagtatanim ng mga punla sa ceremonial planting nito. Matapos nito ay isang maikling programa upang ipaliwanag sa mga dumalo ang layunin ng pagpunta ng ahensiya ang isinagawa.

Ayon sa mensahe ni Regional Executive Director Atty. Christopher Bañas na binasa ni Field Operations Division Chief Theresa Aguilar, ang gawain ay isang simula ng mas malalim na ugnayan sa pamamagitan ng ahensiya at ng tribo .

“Bilang komemorasyon ng kaarawan ng ating Pangulo, pinili namin na magbahagi ng mga punla sa mga ilang IP communities sa rehiyon na magsisilbing tulong sa pagpapaunlad ng inyong kabuhayan at palatandaan ng pagpapalakas ng ating ugnayan, pag-abot sa seguridad sa pagkain, at pagsimula ng likas-kayang pag-unlad,” kanyang binasa.

Ipinakilala rin ni FOD Chief Aguilar ang programa ng DA na 4Ks o ang Kabuhayan at Kaunlaran para sa Kababayang Katutubo na siyang nakatuon sa mga pangangailangang pansaka ng mga tribo.

“Sa isang taon po mararamdaman niyo na po ang 4Ks. Ito po ay partikular sa Tribo ng Tagbanua sa Brgy Montible, magtatayo tayo ng demonstration farm kung saan matutunan natin ang tamang pagtatanim ng mais at iba pa,” kanyang pagbabahagi.

Ipinangako rin ni DA- PRES Chief Librada Fuertes ang paghatid ng mga karagdagang binhi ng iba’t ibang gulay at pagsasanay ukol sa pagtatanim nito na siya naman ikinatuwa nila lalo na ng mga kababaihan.

Ipinadama naman ni Paula Mae Ciudad ng PCA ang suporta ng ahensiya sa pamamagitan ng kanyang mensahe.

“Ang programs and projects po ng PCA ang majority po ay Indigenous Peoples po ang participants. Isa po kayo sa aming mga priorities,” kanyang sinabi.

Sa kabilang banda, nagpasalamat naman si Rosendo B. Zafra lider ng katutubo sa personal na pagbisita at paghatid ng mga interbensiyon ng kawani ng ahensiya.

“Masasabi ko na ang laban ng Brgy. Montible ay totoo na dahil may gobyerno na tumutulong at tumitingin sa atin. Nandito na ang DA upang tayo ay tulungan,” kanyang sinabi.

Ang inisyatibang ito ay isa lamang sa hakbangin ng ahensiya upang mas maipadama sa mga mamamayan ang suporta ng gobyerno lalo na sa mga bulnerable at mga maliliit na mga magsasaka para sa tuluyang pag-abot ng Masaganang Bagong Pilipinas.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.