Nagkaloob ang Department of Agriculture- Special Area for Agricultural Development (DA- SAAD) MIMAROPA ng Php 548,280 halaga ng interbensyon bilang suporta sa labindalawang (12) samahan sa anim (6) na bayan sa Romblon at Occidental Mindoro. Nagsimula ang pamamahagi ika-21 ng Enero sa ilalim ng SAAD Program Phase 2, na pakikinabangan ng mga asosasyong maapapabilang sa mga benepisyaryo ng programa sila ngayong 2025.
Kinabibilangan ang mga nasabing asosasyon ng Samahan ng Magsasaka ng Sitio Cahayagan at San Isidro Rural Improvement Club sa bayan ng Alcantara; Masikap Farmers and Fisherfolks Association, Livestock and Poultry Raisers Association of Banton, at Pawikan Farmers and Fisherfolks Association, pawang mula sa Banton; Pangulo Hog Growers Association at Pagsangahan Farmers Association sa Calatrava, Tabok Farmers Association sa Concepcion, at ang mga samahang San Isidro Farmers Association, Santo Nino Farmers and Fisherfolks Association, at Paroyhog Farmers and Fisherfolks Association sa munisipalidad ng Sta. Maria. Maliban sa mga nabanggit na pawang mula sa lalawigan ng Romblon, nakatanggap rin ng panimulang suporta ang Brgy. Bonbon, Farmers Association sa Looc, Occidental Mindoro.
Dalawa (2) sa mga nabanggit na samahan ay mangangasiwa ng proyektong paghahayupan, lima (5) ang mag-aalaga ng mga manok at itik, habang lima (5) rin ang magtatanim ng mga gulay at lamang-ugat.
Karamihan sa mga naipagkaloob na interbensyon ay iba’t ibang farm tools upang tulungan sila sa paghahanda at pagmimintina ng kanilang mga taniman. May pinamahagi ring plastic drums, garden hose, at knapsack sprayer sa ilang samahan.
Dahil sa matagal na nilang ninanais na maging benepisyaryo rin ng SAAD, labis na pasasalamat ang ipinaabot ni Alexander Andrade, pangulo ng Pagsangahan Farmers Association, sa mga natanggap nilang kagamitan.
“Sa ngalan po ng aming asosasyon, ako po ay taos-pusong nagpapasalamat sa Department of Agriculture SAAD MIMAROPA sa malaking tulong na ipinagkaloob nyo po sa amin na mga kagamitan sa pagugulayan. Malaking tulong po ito sa aming asosasyon, itong mga natanggap naming kagamitan sa paggugulay upang mapabilis at mapaayos ang aming pagsasaka ng gulay. Sigurado naman po na makakapagbigay ito ng magandang ani sa amin.”
Samantala, epektibo ngayong 2025, mula sa 44 ay umakyat na sa 59 ang kabuuang bilang ng mga samahang tinutulungan ng SAAD Program Phase 2 sa MIMAROPA matapos madagdag ang 15 bagong mga asosasyon mula sa pitong (7) bayan.