News and Events

Pamamahagi ng mga corn and cassava fertilizer discount voucher, umarangkada na sa OcciMin
Sa kabila ng malakas na buhos ng ulan sa mga bayan ng Mamburao at Abra de Ilog, sunod-sunod na dumating ang mga magsasaka upang tanggapin ang kanilang fertilizer discount voucher, ikadalawa ng Setyembre.

Pamamahagi ng mga corn and cassava fertilizer discount voucher, umarangkada na sa OcciMin

Umarangkada na ang pamamahagi ng mga fertilizers discount voucher ng Department of Agriculture MIMAROPA Corn and Cassava Program sa limang (5) bayan sa Occidental Mindoro, ika-31 ng Agosto hanggang ika-2 ng Setyembre. Ito ang unang pamamahagi ng nasabing programa para sa mga magsasaka ng mais at kamoteng kahoy simula ng nilunsad ng ahensiya ang subsidiya para sa abono.

Umabot sa P2,954,000 ang kabuuang halaga ng mga fertilizer discount voucher na pinamahagi sa 1,477 na mga magsasakang nagtatanim ng mais at kamoteng kahoy sa mga munisipalidad ng Magsaysay (98), Calintaan (119), Sablayan (840), Mamburao (120) at Abra de Ilog (300).  Bawat magsasaka ay tumanggap ng P2,000 discount voucher na kanilang magagamit sa pagbili ng abono sa mga accredited na tindahan ng agricultural supply sa kani-kanilang bayan. Kailangan lamang na sila ay lehitimong nagtatanim ng mais at balinghoy, rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) sa ilalim ang corn and cassava commodities at kasapi ng asosasyon ng mga magsasaka upang makatanggap ng voucher.  

Mula sa P6-M na alokasyon ng corn and cassava fertilizer discount para sa buong MIMAROPA, P3.6 milyon dito ang inilaan sa Occidental Mindoro na pakikinabangan ng 1,800 na mga magsasaka kabilang na ang mga katutubo.  Ang nasabing lalawigan ang may pinakamalawak na taniman at pinakamataas na produksiyon ng mga mais sa rehiyon kung saan nitong nakaraang taon ay umani sila ng 88,116 metriko tonelada habang 6,035 metriko tonelada naman sa balinghoy.

Umabot sa 1,057 na mga magsasaka ng mais at balinghoy mula sa mga bayan ng Magsaysay, Calintaan, at Sablayan ang nakinabang sa unang bugso ng pamamahagi ng fertilizer discount voucher dito na pinangunahan ni DA MIMAROPA OIC, RED Engr. Ma. Christine C. Inting.

Pinangunahan ni DA MIMAROPA OIC, Regional Executive Director at Corn and Cassava Program Regional Focal Person Engr. Ma. Christine C. Inting ang pamamahagi kasama si Occidental Mindoro Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) Eddie Buen, mga punong bayan, Municipal Agriculture Officers (MAOs) at mga kinatawan nina Occidental Mindoro Gov. Eduardo B. Gadiano, Cong. Odie F. Tariela, at Provincial Agriculturist Alrizza C. Zubiri.

Sa kaniyang mensahe, binigyang diin ni OIC, RED Inting na patuloy na gumagawa ng paraan ang kagawaran upang makatulong sa mga magsasaka lalo na sa pagbawas sa gastos sa produksiyon.

Aniya, “Ito po ay ibinibigay sa individual corn farmers para makabawas sa kanilang production cost.  Ito man po ay hindi kalakihan pero ang departamento po ay nag-iisip kung paano makakatulong sa magsasakang Pilipino para kahit paano ay maibsan ang kanilang mataas na cost of production lalo na sa mataas na presyo ng fertilizer sa ngayon”.

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga lokal na opisyales at mga benepisyaryo sa mga interbensiyong patuloy na binibigay ng DA sa kanila.

“Ang mga programa ng DA na ineextend sa bayan ng Magsaysay ay napakalaking tulong po sa palay, sa onion, cassava, lalo na sa mais, ang ating mga farmers under ng SAAD Program, napakalaki ng inabante ng mga magsasaka.  Malaki pong ginhawa sa pagsasaka ng ating mga kababayan. Sa pagtatanim ng mais, itong discount voucher ay malaking tulong po talaga. Maraming - maraming salamat po,” mensahe ni Mayor Cesar M. Tria, Jr. ng bayan ng Magsaysay kung saan unang namigay ng discount vouchers.

“Gaano man kalaki o kaliit ng programa na ipagkaloob ng ating pamahalaan ay nariyan po ang ating pagsisikap, ang ating pagpupursige na maitaguyod ang ating pagsasaka.  Sa pamamagitan ng subsidiya na pinagkaloob ay matulungan din tayo na maiangat ang antas ng ating kabuhayan”, pahayag ni Gng. Jocelyn Pionelo, Chairman ng Malpalon Farmers Association sa Brgy. Malpalon, Calintaan.

Nagpaabot rin ng pasasalamat si Gng. Zenaida Nimer, Chairman ng Mamburao Agriculture and Farmers Development Association (MAFDA) sa Brgy. Talabaan, Mamburao. “Nagpapasalamat po kami kasi first time na nangyari na nagkaroon kami ng corn and cassava fertilizer discount voucher dito sa Mamburao. Salamat po at sana ay may susunod pa,” aniya.

Isa naman si Hernan Agustin, miyembro ng Angat Palayan Farmers Association sa Brgy. Balaw, Abra de Ilog sa mga katutubo na nakatanggap rin ng discount voucher.  Labis aniya ang kanilang pasasalamat na mapabilang sa programa. “Marami pong salamat sa pinagkaaloob na biyaya.  Ako po ay nagpapasalamat na kaming mga katutubo ay binigyang pansin sa mga programa ng gobyerno, malaki pong katulungan ito dahil ito ay magagamit ko sa taniman namin,” mensahe niya.

Samantala, pinaplantsa na rin ng Corn and Cassava Program ang pagpapatuloy ng distribusyon ng fertilizer discount voucher sa Occidental Mindoro ganon rin sa mga probinsiya ng Oriental Mindoro (200), Romblon (100), Marinduque (100), at Palawan (800).  Sa kabuuan, nasa 3,000 magsasaka ng mais at kamoteng kahoy sa MIMAROPA ang makikinabang sa naturang programa.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.