Nagtapos ang 58 na magsasaka ng mais ngayong araw, ika-10 ng Mayo, mula sa 16 linggong pag-aaral sa Season Long Farmers Field School (FFS) on Corn Production sa Brgy. Batong Buhay, Sablayan, Occidental Mindoro. Dalawampu’t limang (25) magsasaka ang nagtapos mula sa United As One Agriculture Cooperative (UNO) ng Brgy Batong Buhay at 33 ang mula Tagumpay Agrarian Reform Beneficiary Farmers Association (TARBFA) ng Brgy. Tagumpay.
Ang Season Long FFS ay isinagawa ng Department of Agriculture MIMAROPA sa ilalim ng Kasaganaan ng Sakahan at Kalikasan (KASAKALIKASAN), National Integrated Pest Management (IPM) Program, at Good Agricultural Practices (GAP). Sinimulan ito noong Nobyembre 2022 at nagtapos ng Marso 2023. Katulong sa matagumpay na pagsasagawa ng programa ang National Agriculture and Fishery Council, Provincial Government of Occidental Mindoro, at Municipal Government of Sablayan at sa pakikipagtulungan ng mga Barangay ng Batong Buhay at Tagumpay.
Ipinahayag ni DA MIMAROPA Regional Executive Director Engr. Maria Christine C. Inting ang patuloy na suporta at pag-antabay ng kagawaran sa lahat ng asosasyon na may mataas na pangarap na magkaroon ng mga makinarya sa pagpo-produce. Hinikayat rin niya ang mga asosasyon na gamitin at alagaan ang mga makinarya, huwag hintayin na bawiin at ipasa sa iba kapag hindi ginagamit ng tama.
"Huwag po kayong mawawalang ng pag-asa pagdating sa agrikultura dahil ito po ang mandato na ating presidente na mas mapataas pa ang produksyon sa pagmamaisan, pagpapalayan at paggugulayan upang mas makatulong sa pangkabuhayan at makapakain natin ang lahat ng tao sa buong Pilipinas. Kayo ang new heroes, mga magsasaka at asosasyon," wika ni RED Inting.
Lubos naman ang pagbati ni Municipal Mayor Walter B. Marquez sa lahat ng magsasakang nagsipagtapos sa FFS. Ayon sa kanya, ang pag-aaral ay hindi namimili ng edad at antas. Humanga rin ang lokal na pamahalaan sa lahat ng mga magsasaka dahil sa kanilang patuloy na dedikasyon sa pag-aaral.
"Bukod sa paggamit ng lahat ng inyong natutunan sa inyong mga sariling sakahan ay maibahagi niyo rin sa iba upang mas yumabong ang mga impormasyon at lalong mapalakas ang pangarap nating makapag-ambag ng pagkain sa bawat hapag kainan sa probinsya ng Occidental Mindoro at kung may labis ay makatulong sa ibang lugar na hindi naman nagtatanim ng mais at palay," pahayag ni Mayor Marquez.
Hinikayat rin ni OIC PA Alrizza Zubirri ang mga magsasaka na huwag kimkimin sa sarili ang mga kaalamang natutunan sa pagsasanay sapagkat ang kaalamang hindi ibinabahagi ay kaalamang walang katuturan.
"Sana ang bawat isa ay maibahagi ang kaalaman sa apat (4) hanggang sampung (10) magsasaka nang sa gayon ay mas marami ang umulad sa pagmamaisan. Kayo ang katuwang ng MAO at ng agrikultura upang magkaroon ng masagang agrikultura at maunlad na ekonomiya ang ating bansa," sabi ni OIC PA Zubirri.
Nagkaroon rin ng presentayon ang dalawang asosasyon ukol sa kanilang mga natutunan sa pag-aaral. Ibinahagi rin Bb. Wilma Sagun ang resullta ng kanilang FFS Corn Derby at masayang ibinalita ang pagtaas ng produksyon at kita ng kanilang mga magsasaka.
"Nagpapasalamat po kami sa programa na FFS dahil noong nakaraang season, 60% ng aming magsasaka ay nakaani na ng almost 10 tons dahil sinunod nila ang naituro sa kanila sa kanilang sakahan habang nag aaral sa FFS," pasasalamat ni UNO Manager G. Mark Anthony G. Silao.
Dumalo rin sa aktibidad sina Agricultural Program Coordinating Officer Eddie Buen, Sagguniang Bayan Member/ Committee on Agriculture Hon. Alfredo Ventura Jr., Acting Municipal Agriculturist Susan B. Lara, at mga facilitators mula sa Municipal Agriculture Office.
Nagpahayag naman ng patuloy na supporta sa pag-aaral ang mga pribadong kumpanya katulad ng Pioneer, NK, Dekalb, Maharlika, Asian Hybrid, at Bioprime.
Bawat isa sa kanila ay binigyan ng sertipiko ng pagtatapos, gayun din ang mga teknisyan na nagturo at sumubaybay sa kanila sa loob ng 16 na linggo.