Taong 2020 nang simulan ang research project na “Support To Mass Propagation of Lakatan Banana Quality Planting Materials Through Mass Progragation Technology And/Or Protocol In Victoria, Oriental Mindoro” na may pangkalahatang layunin na makaprodyus ng mga dekalidad na pananim na saging na Lakatan sa pamamagitan ng paggamit ng mga epektibong teknik at panuntunan sa pagpaparami nito sa Plant Tissue Culture Facility (PTCF) ng Department of Agriculture MIMAROPA.
Nagpatuloy ang research project na pinanukala nina Catherine Castro, Agriculturist I at Luisito Parcon, Supervising Science Research Specialist hanggang noong Hunyo 2022 na pinondohan ng P2,516,749.60 ng DA – Bureau of Agricultural Research (DA BAR) at may tatlong (3) malalaking demonstration sites sa mga bayan ng Bongabong, Roxas, at Bansud, Oriental Mindoro.
Nakita ng mga farmer cooperators ang bentahe ng pagtatanim ng tissue-cultured Lakatan kumpara sa mga suwi mula sa mga tradisyunal na puno ng saging. Ang magsasaka na si Kap. Roman Padilla ng Brgy. Little Tanauan, Roxas ay kumita ng halos ng P20,000 libong piso mula sa unang bahagi pa lamang ng sunod-sunod na pag-aani. Binebenta niya ang mga saging sa halagang P25.00 kada kilo at hindi siya nawawalan ng mamimili sapagkat matamis at malalaki ang mga ani nila.
“Maganda ang naging kita ko dahil malalaki ang buwig ng mga saging. Ako ay nagpapasalamat sa naibigay na tulong sa tulad kong farmer para higit pang kumita at ipagpapatuloy ko po ang pagtatanim ng saging dahil nakikita ko naman ang magandang income dito,”aniya.
Nagawa na rin niyang mamahagi ng mga suwi sa mga kapwa farmer na interesadong subukan ang pagtatanim ng tissue cultured Lakatan gaya ni Billy Joe Dalisay na residente rin ng naturang bayan at nakapagtanim ng 650 suwi.
“Kailangan laging nililinis ang mga puno at kinu-cultivate para dumami ang ani. Salamat kay Kap. Padilla sa pagbabahagi ng tissue cultured na saging ganon rin sa mga taga Department of Agriculture MIMAROPA,” aniya.
Samantala, nagbunga na rin ang pagod ng dalawa pang farmer cooperators na sina Engr. Zaldy Espino ng Bansud at Engr. Arturo M. Trinidad ng Bongabong. Anila, maganda talaga ang bunga ng mga tissue cultured Lakatan at magpapatuloy anila sila sa pagtatanim.
“Maganda ang kinalabasan ng pag-aani namin, maganda ang kinita at marami na ring suwi na maaaring ipamigay sa iba. Maganda ang future ng Lakatan, at malaki ang maitutulong nito sa magsasaka. Mas maganda ito, malalaki ang bunga at mahahaba ang buwig,” pahayag ni Engr. Trinidad.
“May mga bumisita na sa amin na interesado sa tissue cultured Lakatan, nakapamahagi na rin kami ng mga suwi at kahit sa mga likod-bahay lang ay gusto nilang magtanim. Nakikita ko ang potential sa market ng tissue cultured Lakatan, maganda ang bunga at competitive siya kaya nagdesisyon ako na magtanim muli,” ani naman ni Engr. Espino.
Payo pa niya sa mga nais ring subukan ang pagtatanim nito na kumpara sa mga native na Lakatan, ang tissue cultured Lakatan ay kailangang alagaan, kumpletuhin ang inputs na kailangan tulad ng fertilizers at hindi maaring pabayaan na lamang hanggang sa bumunga. Tiniyak naman niya na sulit ang pagod at investment sa oras na umani na sapagkat magaganda ang bunga nito.
Sa kabuuan, umabot na sa 9,245 na mga pananim na tissue cultured Lakatan mula sa proyektong pinondohan ng DA BAR ang naipamahagi ng Plant Tissue Culture Facility ng DA MIMAROPA sa mga magsasaka sa iba’t ibang probinsiya ng rehiyon.
Patuloy rin ang regular na monitoring ng DA BAR sa proyekto at labis na pasasalamat ang ipinaabot ng mga nabanggit na farmers cooperators sa tanggapan, maging sa DA RFO MIMAROPA.
“Maraming salamat po sa DA MIMAROPA, DA BAR, Research Division ng DA MIMAROPA, at RIARC sa magandang proyektong binigay sa amin. Asahan po ninyo na patuloy ninyo kaming magiging katuwang sa pagpapalaganap ng pagtatanim ng tissue cultured Lakatan,” mensahe ni Engr. Trinidad.
Karagdagang farmer adaptor
Dahil sa layuning palawigin ang pagtatanim ng tissue-cultured lakatan sa rehiyon, patuloy na nagpoprodyus nito ang Plant Tissue Culture Facility (PTCF) ng Regional Integrated Agricultural Research Center (RIARC) ng DA RFO MIMAROPA sa Brgy. Alcate, Victoria, Oriental Mindoro.
Kabilang sa nadagdag na adaptors ang banyaga na si Phil Brill na isa sa may-ari ng Tablas Community Ranch Corporation sa bayan ng Odiongan, Romblon. Isa itong demo ranch na may lawak na 52 ektarya at natatamnan na ng iba’t ibang halaman. May kabuuaang 2,650 na mga pananim ang ibinyahe mula Oriental Mindoro noong 2022 patungong Romblon at ngayon ay patuloy na lumalaki sa nasabing farm.
Ayon kay Phil Brill, nakita niya ang pangangailangan ng mga magsasaka na higit pang paunlarin ang kanilang kaalaman sa pagtatanim kaya’t nagtayo siya ng nonprofit model farm na magpapakita ng mga makabagong teknolohiya sa agrikultura at mag-aangat sa buhay ng mga residente. Hindi aniya pinalampas ang pagkakataon na makasama rito ang produksiyon ng mga saging mula sa PTCF ng DA MIMAROPA na maaari rin nilang ipamahagi sa mga residente ang mga magiging suwi.
“I saw the need of the farmers and decided to put up a nonprofit model farm, show the technologies and raise the standard of living. The people of Romblon never had an opportunity to grow tissue cultured Lakatan or Giant Cardava, and now that DA MIMAROPA is developing them in a laboratory in Mindoro, we were able to acquire them and soon distribute them to the farmers and it will make them a big difference,” pagbabahagi ni Brill.
Labis rin siyang nagpapasalamat sa tulong at paggabay ng tanggapan sa pamamagitan ni Catherine Castro, ang PCTF Section Chief na siyang nagdala ng 1,000 piraso ng pananim na Giant Cardava para sa demo ng HVCDP at 1,650 na Lakatan para naman sa demo ng research project na pinondohan ng DA BAR.
“Very impressive assistance, she visited the island, visited our farm, introduced the program and told us what to do and has been helping us every step of the way. We were excited upon receiving the free planting materials and it’s a huge help. I just wanted to thank DA MIMAROPA for their interest in helping us and helping the poor farmers,”pasasalamat niya.
Sinegundahan naman ito ng isa pa sa mga may-ari ng Tablas Community Ranch Corporation na si Bb. Pearl Harder na nagpaabot rin ng pasasalamat sa kagawaran.
“We would like to thank the Regional Director, Engr. Christine Inting and to all po na tumulong. Hopefully our partnership with you will go on as we grow bigger at lahat ng tinutulong ninyo naman sa amin ay ibabahagi rin namin sa mga kababayan dito sa Romblon,” saad niya.
Maliban sa mga saging, kapapalooban rin ang farm ng mga processing plants, iba’t ibang pananim na gulay, mga puno at mga hayop at hangad nilang maging isa itong agritourism center na makatutulong sa pag-angat ng ekonomiya ng Romblon.
“In the future may plano tayo na dagdagan itong mga Lakatan, gagawin na talagang plantation at may bagong pang variety na dumating which is Cardava, galing naman sa HVCDP. Kailangan lang ng proper management para maging successful ‘yong binibigay ng DA MIMAROPA sa atin. Ang target namin ay 10 hectares Lakatan plantation in the future kasi nakita namin na very profitable talaga ang Lakatan at hindi lang dito, pwede pang itawid gaya sa Boracay,” pagbabahagi ng farm manager na si Jojo Alvarez.
Samantala, pinasalamatan naman ni Romblon Agricultural Program Coordinating Officer Analiza Escarilla ang grupo ni Brill sa kanila aniyang inisyatibo na magtayo ng demo farm para magbigay ng dagdag na kaalaman sa mga magsasaka ng Romblon kasunod ang pagtiyak na ang kagawaran ay laging nakatuon sa pagtulong sa mga magsasaka.
“Nagpapasalamat tayo sa kanilang initiative na tumulong sa mga magsasaka ng Romblon at ang DA MIMAROPA headed by our Regional Executive Director Engr. Inting ay committed para tumulong din sa magsasaka ng Romblon. Ang DA din po ay nagsasagawa ng training regarding production lalo na at ang banana ay tinuturing na isang high-value crop,” ani APCO Escarilla.