MAGSAYSAY, OCCIDENTAL MINDORO, IKA-07 NG OKTUBRE, 2021 - Ang Department of Agriculture - Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) Program sa pakikipagtulungan ng Municipal Agriculture Office (MAO) ng Magsaysay ay nagsagawa ng pagsasanay sa paggawa ng organikong pataba sa Brgy. Poblacion, Magsaysay. Nakibahagi ang 12 miyembro ng Calawag Foliar Fertilizer Farmers Association (CFF FA) sa pagsasanay.
Pinangunahan ni Bryan V. Rosete, Agricultural Techologist mula sa MAO ang talakayan sa mga benepisyo, kagamitan, paghahanda, at mga hakbang sa paggawa ng organikong pataba gaya ng compost tea, fermented plant juice, fermented fruit juice, fish amino acid (FAA), kohol amino acid at iba pang organikong pataba.
Una nang nakadalo ang mga benepisyaryo sa pagsasanay sa paggawa ng organikong pataba na pinasinayaan ng MAO at DA-SAAD noong ika-17 ng Setyembre, 2020 kung saan nagkaroon ng aktuwal na paggawa ng organikong pataba. Ang mga miyembro ng asosasyon ay nag-ulat ng positibong epekto ng paggamit ng organikong pataba sa kanilang mga pananim na nagpatibay ng kanilang kagustugan sa paggawa nito.
"Simula noong unang pagsasanay namin sa paggawa ng organic fertilizer, nagsimula na akong gumamit ng organikong pataba para sa mga tanim kong talong, sitaw, at okra. Naikumpara ko ang aking tanim na ginamitan ng OFF sa wala. Dinadapuan ng peste ang mga tanim kong hindi ginamitan ng organikong pataba," bahagi ni Jaime delos Santos, Chairperson ng CFF FA.
"Gumamit ako ng organikong pataba na nagawa namin noong nakaraang pagsasanay sa aking [mga tanim na] sibuyas at mas mapula at mas maganda ang kalidad ng sibuyas na aming naani," ani Teody Masangkay, miyembro ng CFF FA.
Napansin naman ni Gillermo Grondiano, miyembro ng CFF FA ang epekto ng matagalang paggamit ng kemikal na pataba sa kanilang lupa, "Nakakasira ng lupa ang paggamit ng kemikal na pataba. Napapansin namin 'yan sa aming lupa. Bumababa ang ani namin kapag hindi kami nagdadagdag ng kemikal na pataba kada taon kaya mas mainam ang organikong pataba para mabawasan ang pagkasira ng lupa namin."
Ang mga kagamitan para sa paggawa ng organikong pataba ay ibinigay sa mga benepisyaryo sa pagtatapos ng pagsasanay: 600 kg. ng molasses, limang (5) unit ng timbangan, 10 unit ng itak, 10 pirasong tadtaran, 100 pirasong plastic na bote, 13 pirasong plastic drum, 15 pirasong timba, at 10 metrong hose.
Tiniyak ng MAO sa mga benepisyaryo na buo ang suporta ng gobyerno sa kanila sa pagbuo ng ugnayan sa mga pamilihan kapag nakakapagprodyus na sila ng tiyak na dami ng organikong pataba.
Ang Organic Foliar Fertilizer Production Project ay pinondohan ng DA-SAAD Program na may nakalaang Php 499,550.00 para sa FY 2019-2021.
Source: Vilmar J. Robes, SAAD Area Coordinator - Magsaysay, Jaime delos Santos, Chairman, CFF FA, Gillermo Grondiano, Teody Masangkay, miyembro ng CFF FA.