News and Events

Pagsasanay sa pagprodyus ng inuling na ipa, idinaos para sa mga benepisyaryo ng SAAD

Pagsasanay sa pagprodyus ng inuling na ipa, idinaos para sa mga benepisyaryo ng SAAD

MAGSAYSAY, OCCIDENTAL MINDORO -  Nagdaos ang Municipal Agriculture Office (MAO) ng Magsaysay ng pagsasanay sa paggawa ng inuling na ipa o carbonized rice hull noong ika-22 hanggang 23 ng Setyembre, 2021. Ang pagsasanay ay naisagawa sa ilalim ng pondo ng Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) Program.

17 miyembro ng Bangon Magsasaka CRH Farmers Association (BMCRH FA) ang dumalo sa pagsasanay na naglalayong maturuan ang mga benepisyaryo ng tamang proseso at kaalaman sa pagprodyus ng inuling na ipa.

Inimbitahan ni Vilmar J. Robes, SAAD Area Coordinator ng Magsaysay ang mga benepisyaryo na patuloy na tangkilikin ang mga programa ng DA at patuloy na magtulungan sa kanilang ikauunlad.

Sa unang araw ng pagsasanay tinalakay ni Ms. Emily Tañedo, Agricultural Technologist mula sa MAO ang proseso, mga kagamitan, pagbebenta, at mga benepisyo ng pagprodyus ng inuling na ipa.

Nagkaroon naman ng aktuwal na paggawa ng inuling na ipa sa pangalawang araw ng pagsasanay kung saan tinuruan ang mga benepisyaryo sa paggamit ng metal carbonizer. Nakagawa ng tatlong (3) sako ng inuling na ipa ang mga benepisyaryo na kanila ring inuwi matapos ang pagsasanay.

Ang inuling na ipa o carbonized rice hull ay napoprodyus sa pamamagitan ng bahagyang pagsusunog ng ipa. Ito ay may mga nutrisyon na mainam na pataba at pang-kondisyon sa lupa gaya ng Phosphorous (P), Potassium (K), Calcium (Ca), Magnesium (Mg), at mga micronutrients. Ang isang bag (20 kg.) ng inuling na ipa ay naibebenta ng Php 100.00 hanggang Php 200.00.

“Maganda na nagkaroon ng [pagsasanay] para sa amin para alam namin kung ano [ang] dapat naming gawin para maging maayos yung proyektong binigay sa amin ng SAAD. Maraming salamat po sa mga ibinigay ng SAAD sa amin,” ani Reggie Encarguez, kinatawan ng BMCRH FA.

Nakatanggap ng bodega para sa mapoprodyus na inuling na ipa ang BMCRH FA noong Disyembre, 2020 mula sa SAAD. Ito ay may sukat na 9 x 6 metro na may tinatayang kapasidad na mag-imbak ng 150 sako. Ang bodega ay itinayo sa Brgy. Laste, Magsaysay kung saan nakatira ang mga miyembro ng samahan. Bukod dito, nakatanggap din ang BMCRH FA ng tatlong (3) unit ng metal carbonizer, 10 pirasong pala, at tatlong (3) truck load ng ipa. Ang carbonized rice hull production project na ito ay tinatayang nagkakahalaga ng Php 700,000.00.

Sources:

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.