News and Events

Pagsasagawa ng CapBuild Training para sa 43 samahan, natapos na ng SAAD MIMAROPA
Upang hindi mahirapan ang mga magsasaka sa transportasyon, isinagawa ang Capability-Building Training sa mga lugar na malapit sa kanila tulad ng covered court.

Pagsasagawa ng CapBuild Training para sa 43 samahan, natapos na ng SAAD MIMAROPA

Natapos na ng Department of Agriculture - Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) MIMAROPA ang pagsasagawa ng Capability-Building Training (CBT) on Organizational Management sa lahat ng mga samahan ng magsasaka sa MIMAROPA sa ilalim ng unang taon ng implementasyon ng Phase 2 ng SAAD Program. Ito ay matapos ang pagdaraos ng huling batch ng pagsasanay para sa 21 samahan na binubuo ng 485 miyembro sa tatlong probinsyang sakop ng SAAD sa rehiyon.

Mula ang mga nasabing samahan sa mga bayan ng Looc, Occidental Mindoro (2); Agutaya (4) at Magsaysay (4), Palawan; at  Calatrava (2), Santa Maria (3), San Jose (3), at Concepcion (3), Romblon.

Sa kasalukuyan, nakamit na ng SAAD MIMAROPA ang layunin na magbigay ng mga mahahalagang kasanayan sa pamamahala sa 43 samahan sa rehiyon, na naglalayong mahasa ang kanilang kakayahan na mangasiwa ng mga proyektong pang-agrikultura. Nagkaroon ang mga magsasaka ng mas malalim na pang-unawa sa kanilang mga tungkulin sa loob ng samahan at napaunlad ang kanilang kakayahan sa pamumuno, pakikipagkomunikasyon, pagdedesiyon, at pananalapi, na makatutulong sa kabuuang paglago at pangmatagalang pag-unlad ng kanilang samahan.  Samantala, binigyang diin naman sa pagtalakay ng paghubog ng tamang pag-uugali ang kahalagahan nito sa magiging paggalaw ng grupo, na nagsusulong sa diwa ng pagkakaisa at sama-samang pagkamit ng hangarin ng samahan..

Pinangunahan ang pagsasagawa ng CBT ni SAAD MIMAROPA Regional Lead Marissa DV Vargas habang nagsilbi namang mga tagapagsanay ang mga kawani mula sa DA Regional Field Office (DA-RFO) MIMAROPA Research Division na sina Allan Lalap, Senior Science Research Specialist at Je Precious Tarog, Technical Staff; ganoon rin mula sa Institutional Development Unit (IDU) na sina Marieta Alvis-Sietas, IDU Head, at Rico Mangubat, IDU Technical Staff.

Kasunod ng pagtatapos ng CBT, isinagawa naman ng SAAD MIMAROPA ang serye ng mga specialized training upang magkaroon naman ang mga samahan ng kinakailangang kaalaman at kasanayan upang palaguin ang kani-kanilang proyektong pangkabuhayan.  Mula sa 43 samahan, tatlo (3) ang makatatanggap ng Coconut Production Intercropping with Fruit Trees and Other Planting Materials Project; pito (7) sa produksyon ng palay; isa (1) para sa produksyon ng baboy; siyam (9) sa pagmamanukan; 10 sa paggugulayan, anim (6) sa paghahayupan; apat (4) sa pagmamaisan; isa (1) sa pagpoproseso ng kasoy; at dalawa (2) sa produksyon ng mga halamang-ugat.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.