News and Events

Pagpapaunlad ng industriya ng calamansi, tinutukan sa isinagawang Calamansi Provincial Roadmap sa Oriental Mindoro
Mga kinatawan ng iba’t ibang stakeholders na bumubuo sa industry value chain players at enablers ng Calamansi Provincial Roadmap ng Oriental Mindoro

Pagpapaunlad ng industriya ng calamansi, tinutukan sa isinagawang Calamansi Provincial Roadmap sa Oriental Mindoro

Pagbuo ng Calamansi Board Council, pagpapatayo ng mga demo farm sa bawat bayan at pagpapalakas ng pagmamarket ng calamansi, ilan lamang ito sa napagkasunduan ng mga stakeholders sa ginanap na Seminar Workshop and Stakeholders’ Consultation for the Development of the Calamansi Provincial Roadmap of Oriental Mindoro noong ika-30 ng Mayo hanggang ika-1 ng Hunyo  sa Lungsod ng Calapan.

Pinangasiwaan ang naturang gawain ng Provincial Agriculturist Office (PAgO) ng Oriental Mindoro sa pamumuno ni Provincial Agriculturist Christine Pine katuwang ang Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA) na pinondohan ng Department of Agriculture – MIMAROPA sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program (HVCDP).

Nakiisa rin dito at nagbigay ng kanilang kaalaman ang Philippine Rural Development Project Regional Project Coordination Office MIMAROPA I-Plan Component, Mindoro State University, Department of Trade and Industry, at Department of Science and Technology.

Layunin nito na simulan ang proyekto sa pagbuo ng commodity industry roadmap para sa calamansi sa Oriental Mindoro. Ang nasabing probinsiya ang top producer ng calamansi sa rehiyon na umaambag ng 98% sa kabuuang produksyon nito. Naglalayon din ito na matukoy ang iba’t ibang estratehiya para sa pagpaplano ng mga programa sa pagpapaunlad ng industriya ng pagkakalamansi sa nasabing lalawigan na tinaguriang “Calamansi King”.

 “Sa tatlong araw na gawain na ito, we will meeting the updates in the calamansi industry. Ano po ba ang situationer, ano ba ang mga problema na nagiging hadlang sa paglago ng industriya at pagtulung-tulungan po natin na ma-i-hahaligi kung paano mareresolba ito by formulating an action plan,” saad ni Provincial Agriculturist Pine.

Ang naturang roadmap ay magiging gabay ng value chain players at enablers ng nasabing industriya kung paano at saan nila itutuon ang kanilang pagsisikap at pagbibigay-pansin sa mga aktibidad na makakatulong upang makamtan ang kanilang pangunahing layunin.

“Napapanahon ang activity na ito para mapag-usapan kung ano ba yung dapat tahakin ng ating calamansi industry. So, muli po, sana sa tatlong araw na workshop na ‘to, mapag-usapan po natin ‘yong nararapat at di nararapat na gawin sa calamansi industry,” pahayag ni HVCPD Provincial Coordinator Arjay Burgos.

Samantala, nagpaabot naman ng buong suporta sa aktibidad ang Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro sa pamamagitan ni Provincial Administrator Hubbert Christopher Dolor at SEARCA Program Head Dr. Gerlie Tatlonghari.

“We may not be able to follow you in everyday that you do but we know from your own personal and private capacity, we know that our province particularly in calamansi industry would have a good direction to follow kase pinagkasunduan, pinag-iisipan, pinagtagumpayan at pinagsama-samahan ng iba’t ibang stakeholders na narito ngayon,” mensahe ni PA Dolor.

“On behalf of SEARCA, kami po talaga ay lubos na natutuwa dahil patuloy po ang suporta at proyekto dito sa inyong probinsya. Kami po ay patuloy ang pagsuporta sa ganitong proyekto,” ayon naman kay SEARCA Program Head Tatlonghari.

Sa kabilang banda, dinaluhan naman ang naturang seminar workshop ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang farmer associations, private sector (traders/consolidators, processors), government agencies, local government units (LGUs), academe, at non-governmental organizations.

Samantala, bukod sa calamansi, kilala rin ang lalawigan ng Oriental Mindoro bilang isa sa mga pangunahing producer ng mga high value na prutas at gulay na isinusuplay sa mga pamilihan sa Metro Manila at karatig na probinsya.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.