Labis na pasasalamat ang ipinaabot ng mga magsasakang benepisyaryo ng mga proyekto ng High Value Crops Development Program (HVCDP) sa Mindoro kasabay ng isinagawang limang araw na pagpapatunay ng mga interbensiyong naipagkaloob sa kanila sa ilalim ng 2021 HVCDP regular fund at Bayanihan 2 sa mga probinsiya ng Occidental at Oriental Mindoro na ginanap noong ika-6 hanggang ika-10 ng Disyembre.
Pinangunahan nina Rosh Balancio, Project Development Officer III at Jenny Rendora, Project Assistant III ng Office of the Undersecretary for High Value Crops and Rural Credit, na pinamumunuan ni Undersecretary Evelyn G. Laviña, kasama si HVCDP MiMaRoPa Regional Focal Person Corazon O. Sinnung at ang mga kawani ng nasabing banner program ang pagbisita at pakikipanayam sa mga farmer beneficiaries sa dalawang (2) probinsiya.
Layunin nito na alamin kung natanggap at nakarating mismo sa mga magsasaka o asosasyon ang mga interbensiyon ng Kagawaran ganun rin kung paano nakatulong ang mga ito upang mabawasan ang kanilang gastusin sa pagtatanim at pagpapataas ng kanilang mga ani at kita.
“Tinatanong namin ang mga magsasaka kung maayos bang naideliver sa kanila ang mga interventions ng HVCDP, kung paano nakatulong sa kanila ang mga ito at inaalam na rin namin kung ano pa ang mga pangangailangan ng ating mga magsasaka,” paliwanag ni PDO III Balancio.
Kasama sa mga bayan na pinuntahan ng grupo para magsagawa ng panayam at balidasyon ay ang Paluan, Sta. Cruz, Sablayan, San Jose, at Magsaysay sa Occidental Mindoro; Bulalacao, Roxas, Bongabong, Bansud, Gloria, Victoria, at Lungsod ng Calapan sa lalawigan naman ng Oriental Mindoro.
Kabilang sa mga interbensiyong natanggap ng mga magsasaka sa isla ng Mindoro ay ang mga binhi ng iba’t ibang gulay; mga pananim na bawang, sibuyas; Pump Irrigation System in Open Source (PISOS), garden tools para sa Gulayan sa Paaralan, knapsack sprayers, water pumps, plastic drums, flower inducer at onion cold storage facility kung saan kasabay ng validation ay ang pagbisita sa itinatayong onion cold storage facility para sa Lourdes Multi-purpose Cooperative (LMPC) sa Brgy. Mapaya, San Jose, Occidental Mindoro kasama ang mga kinatawan ng Reftec Incorporated, ang contractor ng proyekto, ganunrin sina LMPC Manager Necy Lucena at San Jose Municipal Agriculturist Rommel Calingasan.
Ito ang ikalawang onion cold storage facility sa Occidental Mindoro na pinondohan ng Department of Agriculture sa halagang P20M kung saan nauna nang pinasinayaan ang kaparehas na pasilidad na pinagkaloob sa Mindoro Progressive Multi-purpose Cooperative (MPMPC) sa Brgy. Tangkalan, Mamburao. Ayon sa HVCDP, mahigit kalahati na ang natatapos sa proyekto na nakatakdang makumpleto sa darating Marso, taong kasalukuyan.
“Malaki po ang aming pasasalamat sa DA dahil sa malaking tulong po sa amin ang mga natatanggap naming inteventions para sa aming mga taniman. Dahil po sa DA, malaki po ang nababawas sa mga gastos namin sa pagtatanim,” pagbabahagi ni Noli Napa, Pangulo ng Narra Vegetable Growers Association sa Brgy. Narra, Gloria, Oriental Mindoro. Ang nasabing samahan ay nakatanggap ng PISOS, iba’t ibang binhi ng pananim na gulay at tiller/cultivator.
“Napakalaking tulong po ang natanggap naming cacao dryer mula sa HVCDP, malaki ang aming natipid dahil sa intervention na ito kaya maraming salamat po sa inyo,” pahayag ni Dra. Nancy Laudencia Landicho, maybahay ni G. Lucien M. Landicho na siyang pangulo ng Laudland Cares Association sa Brgy. Batongbuhay, Sablayan, Occidental Mindoro. Nauna na nang nakatanggap ang samahan ng mga cacao seedlings at libreng mga pagsasanay at sa kasalukuyan ay gumagawa na ng tsokolate sina G. at Gng. Landicho.
“Ang lokal na pamahalaan ng bayan po ng San Jose, Occidental Mindoro ay lubos ang pasasalamat sa Dept. of Agriculture MiMaRoPa at sa HVCDP dahil sa walang sawang pagbibigay ng programa at interbensiyon na patuloy na napakikinabangan ng ating mga magsasaka particular yong high value crops farmers. Dahil sa tulong po nila na patuloy na ibinababa ay talagang patuloy na umaani ng mataas at lumalaki ang kita ng ating mga magsasaka,” dagdag ni San Jose Municipal Agriculturist Romel B. Calingasan.
Ikinatuwa naman ni HVCDP Regional Focal Person Corazon O. Sinnung ang ipinahayag na pasasalamat at pagtanggap ng mga magsasaka kasabay ang pagtiyak na ang anumang proyekto ay nakararating at naipagkakaloob nila ng maayos sa mga benepisyaryo.
“Anuman ang proyekto at kung magkano ang nakalaan dito ay ating idinideliver nang buo sa mga beneficiaries, maaaring hindi sapat dahil sa dami ng pangangailangan ng ating mga magsasaka ngunit ginagawa natin ang lahat para maibigay ang tulong sa kanila at mapakinabangan nila ang mga ito,” mensahe ni HVCDP Regional Focal Person Sinnung.
Samantala, naging pagkakataon na rin ang aktibidad para maiparating ng mga magsasaka ang iba pang pangangailangan nila ganurin ang mga suhestiyon upang mapagbuti pa ang pag-aabot ng serbisyo ng pamahalaan sa kanilang hanay, mga bagay na tiniyak ng mga kawani ng HVCDP na bibigyan ng pansin para sa mga ito.