Pinulong kamakailan ng Rice Program ng Department of Agriculture MiMaRoPa ang City at mga Municipal Agriculture Officers sa Oriental Mindoro upang talakayin ang pagpapaigting ng ugnayan ng Kagawaran ng Pagsasaka at mga lokal na pamahalaan sa implementasyon ng mga programa at proyekto para sa mga magsasaka ng palay sa probinsiya. Idinaos ang naturang aktibidad sa Calapan City sa pangunguna ni Regional Rice Focal Person Ma. Theresa S. Aguilar.
Kabilang sa mga binigyang diin sa nasabing pagtitipon ang pagbabahagi ng mga datos hinggil sa produksiyon ng palay mula 2018 hanggang 2021, final targets para sa taong kasalukuyan, updates hinggil sa mga sumusunod: binhi ng palay, fertilizer program, Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) distribution, clustering alinsunod sa One DA Reform Agenda, at Rice Crop Manager (RCM).
“Ang mga inisyatibo po ng ating Secretary William Dar ay talaga namang sinusuportahan din po ng ating Presidente Rodrigo Duterte kaya ang kahilingan po namin sana ay talagang magamit para sa kanilang advantage at para din po sa productivity. Ang instruction na iniwan sa amin ay tukuyin ang problema hinggil sa produksiyon bago maghain ng mga solusyon at interventions, iyan po iyong hindi namin kayang gawin mag-isa pero kami po ay nakikinig sa inyo. Maging two-way po sana ang ating pagpaplano,” mensahe ni Regional Rice Focal Person Aguilar sa mga dumalong Agriculture Officers.
Dumalo rin sa aktibidad si DA MiMaRoPa Regional Executive Director Antonio G. Gerundio na inisa – isa ang mga posibleng epekto ng mga kasalukuyang kaganapan gaya ng gulo sa pagitan ng Russia at Ukraine sa implementasyon ng mga programa ng Kagawaran ng Pagsasaka; Regional Technical Director for Operations Engr. Elmer T. Ferry; Provincial Agriculturist Christine Pine; Agricultural Program Coordinating Officer Coleta Quindong; Rice Program Oriental Mindoro Provincial Coordinator Maria Teresa Carido; Municipal at City Rice Report Officers; at mga kawani ng programa sa rehiyon at probinsiya.
Samantala, nauna nang isinagawa ang kaparehong aktibidad sa lalawigan ng Palawan at patuloy na umiikot ang grupo para idaos ito sa iba pang probinsiya sa rehiyon tungo sa mas sistematiko at epektibong implementasyon ng mga programa sa mga magsasaka ng palay katuwang ang mga lokal na pamahalaan.