News and Events

Pagpapalakas ng AMIA at BP2 Programs sa bansa, tinalakay
Kasabay ng pagbisita sa komunidad kung saan naninirahan ang mga kasapi ng Pesante, Inc. sa Coron, Palawan, sinagot nina CRAO Dir. Alice Ilaga (kaliwa) at AMIA at BP2 MIMAROPA Regional Focal Person Randy Pernia ang katanungan ng samahan na nagnanais maging benepisyaryo ng AMIA Program.

Pagpapalakas ng AMIA at BP2 Programs sa bansa, tinalakay

Idinaos ng Department of Agriculture-Climate Resilient Agriculture Office (CRAO) ang isang Kumustahan para sa Adaptation and Mitigation Initiatives in Agriculture (AMIA) at Balik Probinsiya, Bagong Pag-asa (BP2) Programs, sa Coron, Palawan, ika-20 hanggang ika-23 ng Hunyo.

Ang aktibidad ay parte ng Mid-Year Assessment Cum Capacity Building on Establishment of Climate Resilient Villages kung saan tinalakay ng mga Regional Focal Persons ang mga kinakaharap na pagsubok sa pagsasakatuparan ng AMIA at BP2 sa kani-kanilang lugar. Kasunod nito ang paghahain ng mga rekomendasyon upang matugunan ang mga nailatag na isyu at pagpapalakas ng mga nasabing programa.

Ang AMIA Project ay ang programa ng Kagawaran para sa climate adaptation and mitigation. Ginagamit nito ang Climate Resilient Agri – Fisheries Approach (CRA) na nakatuon sa paghubog sa mga komunidad na maging matatag sa nagbabagong panahon sa pamamagitan ng pagturo ng mga likas-kayang pangkabuhayan. Habang ang BP2 naman ay naglalayong suportahan ang mga pamilyang informal settler at mga manggagawang labis na naapektuhan ng pandemya sa pagbalik sa kani-kanilang mga probinsiya na magkaroon ng permanenteng tirahan at  maaayos na kabuhayan.

Maliban sa pagtalakay sa kasalukuyang kalagayan ng implementasyon ng mga naturang programa sa buong bansa sa pangunguna ni CRAO Director Alice Ilaga, naging sentro rin ng Kumustahan ang pagbabahagi ng mga magagandang istratehiya na nagagamit nila sa epektibong implementasyon ng mga nasabing programa. 

Hinati sa apat (4) na grupo ang mga Regional Focal Persons ng AMIA at BP2 Programs upang magbahagi ng kanilang mga karanasan at hamon na kinakaharap sa pagpapatupad ng mga naturang programa sa kani-kanilang rehiyon.

Upang higit namang madagdagan ang kaalaman ng mga dumalo at mabigyang linaw ang iba pang isyu, iba’t ibang paksa rin ang tinalakay gaya ng Climate Resilient Agriculture Underlying Concepts na ibinahagi ni Dr. Saturnina Jalos, Policy Guidelines on Climate Resilient Village Establishment na inisa-isa ni Dr. Mary Jane Alcedo, at ang paggamit ng Management Information System na tinalakay ni G. Rollie Osayan.  Naging panauhin rin at nagbahagi ng mga mahahalagang puntos sa implementasyon ng mga naturang programa si G. Mark Amor, Development Officer V ng Department of Agriculture. Bahagi rin ng aktibidad ang pagbisita sa isang komunidad sa Brgy. Guadalupe, Coron kung saan naninirahan ang mga kasapi ng Pesante, Inc. na nagnanais maging benepisyaryo ng AMIA Project.

“Kahit anong klima, panahon, pandemya o pagbabago ng administrasyon, ipagpapatuloy natin ang maganda nating nasimulan nang samasama tungo sa pagpapalakas ng agriculture and fishery sector upang sila ay magkaroon ng siguradong ani at mataas na kita,” hamon ni Dir. Ilaga sa mga dumalo sa aktibidad.

Sa kasalukuyan, ayon kay Dir. Ilaga, may 141 AMIA Villages at 144 Climate-Resilient Villages na itinatag sa ilalim naman ng BP2 sa buong bansa.  Mula 2021, mahigit aniyang 10,000 na ang mga natulungan ng BP2 sa pag-uwi sa kanilang mga probinsiya at nabigyan ng hanapbuhay.

Samantala, bilang kinatawan ni DA MIMAROPA Regional Executive Director Antonio G. Gerundio, mainit na tinanggap ang mga nagsidalo sa aktibidad nina OIC Operations Division Chief Corazon O. Sinnung, AMIA at BP2 Programs Regional Focal Person Randy Pernia at Alternate Regional Focal Person Marieta Alvis-Setias.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.