Regulatory at Research and Development Divisions ng Department of Agriculture MiMaRoPa ang mga kanilang matatagumpay na proyekto at ang mga nakalatag na programa, aktibidad at proyekto para sa taong kasalukuyan hanggang 2025 sa ginanap na Research for Development Assessment and Planning Workshop for CY 2022-2025 sa Lungsod ng Calapan kamakailan.
Pinangunahan ang aktibidad ni OIC-Regional Technical Director for Research and Regulations Engr. Ma. Christine C. Inting at dinaluhan ng mga kawani ng Research Division, Regulatory Division, Integrated Laboratory Division kasama ang Regional Integrated Agriculture Research Center na nasa ilalim rin ng Research Division. Naging pangunahing tagapagsalita sa ikalawang araw ng aktibidad si DA MiMaRoPa Regional Executive Director Antonio G. Gerundio na binigyang diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng feedback mechanism sa mga magsasaka upang malaman ang kanilang naging karanasan sa paggamit ng mga teknolohiya at pananaliksik na ibinigay ng kagawaran.
Ayon kay Engr. Inting, layunin ng aktibidad na mabatid kung ano ang naitulong ng mga pananaliksik na kanilang ginawa sa mga magsasaka, paano nila ito tinangkilik at napakinabangan upang umangat ang kanilang produksiyon at kita.
Basehan aniya ng accomplishments ng mga kawani ng mga naturang tanggapan ang positibong tugon o feedback ng mga benepisyaryo ng mga ginagawang pag-aaral base sa kani-kanilang karanasan sa paggamit o aplikasyon ng mga ito sa kanilang sakahan.
“Ang gusto natin sa research, sa regulatory, (at) sa mga stations ay maipakita natin na may impact ang mga researches at hindi lamang output, dapat may outcome at susunod pa ang impact. Dapat nating malaman kung kumita ba ang magsasaka pagkatapos niyang gamitin ang technology na itinuro o ibinigay natin,” paliwanag ni Engr. Inting.
Samantala, naging pagkakataon rin ang aktibidad upang talakayin ang iba pang usapin gaya ng pangangailangan sa karagdagang pondo upang matugunan ang kakulangan sa mga laboratory equipment na malaki ang papel na ginagampanan sa mga researches na kanilang ginagawa. Inilatag rin ng mga kawani ang mga nakalinyang programa at proyekto na kanilang isasagawa kasama ang mga target accomplishments nito na inaasahang maaabot at maibabahagi nila sa susunod na pagpupulong.