Upang mapabuti ang communication strategy at higit na mapahusay ang pakikipag-ugnayan ng Department of Agriculture (DA) - MIMAROPA sa publiko, nagsagawa ang Regional Agriculture and Fisheries Information Section (RAFIS) ng Seminar-Workshop on Social Media Ethics and Crisis Communication noong ika-17 hanggang ika-20 ng Hulyo na ginanap sa Lungsod ng Calapan, Oriental Mindoro.
Layunin ng gawain na lumikha ng isang boses na magpapakita ng vision, mission, at goals ng Kagawaran ng Pagsasaka, matutunan ng mga kalahok ang epektibong pakikipag-usap at pagtugon sa mga panayam ng media, at maunawaan ang social media ethics at code of conduct para sa pagsagot sa mga tanong at reklamo ng mga kliyente.
Nagsilbing resource speaker sa mga nasabing seminar-workshop si Assistant Professor VII Melanie Moraga-Leaño mula sa University of the Philippines-Diliman College of Arts and Letters at kasalukuyang Direktor ng UP Institute of Small-Scale Industry.
Binuksan ang aktibidad sa malugod na pagbati ni Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) Artemio Casareno ng Oriental Mindoro. Binigyan-diin ni APCO Casareno sa kaniyang mensahe ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang boses bilang ahensya.
Matapos ito, sinimulan na ni Prof. Leaño ang session para sa Seminar-Workshop on Social Media Ethics na aktibong nilahukan ng mga partisipante mula sa talakayan hanggang sa workshop. Kabilang sa tinalakay niya sa loob ng dalawang araw ang kahulugan, layunin at importansya ng branding, pagkakaroon ng ethical principle sa pagpalaganap ng impormasyon at tamang pagtugon sa mga katanungan at hinaing ng kanilang clientele.
Sa pagtatapos ng Seminar-Workshop ito, nag-iwan ng mensahe ng motibasyon si Regional Executive Director Maria Christine C. Inting sa mga kalahok. Aniya, dahil ang mga ito ay mayroon ng sapat na kaalaman, mahaharap at masasagot na nila nang maayos ang mga reklamo at katanungan ng mga kliyente.
Para naman Seminar-Workshop on Crisis Communication, nagsimula ang sesyon sa pambungad na mensahe mula kay Regional Technical Director Vener Dilig, kung saan ipinahayag niya ang kanyang pasasalamat kay Prof. Leaño sa pagbigay ng kahilingan ng ahensya na maging lecturer para sa seminar na ito. Mahalaga din aniya ang seminar na ito sa paghahanay ng communication strategy ng DA gayundin ang values at misyon nito.
Iba’t ibang paksa ang tinalakay dito ni Prof. Leaño tulad ng kung ano at paano matukoy ang isang krisis, paano ito maiwasan o pamahalaan, at kung paano ito tutugunan. Sa pamamagitan nito, natutunan ng mga kalahok ang paggamit ng epektibong kasanayan upang pangasiwaan ang posibleng krisis na maaaring marananasan ng ahensya.
Bilang bahagi ng pagtatapos, ibinahagi ni RAFIS Chief Clariza San Felipe ang kanyang mga pananaw sa mga isinagawang lecture gayundin ang kaniyang mga naging karanasan sa paghawak ng mga reklamo at pagbabahagi ng impormasyon. Pinasalamatan din niya si Prof. Leaño dahil sa mga kaalaman na itinuro nito sa tamang paghawak ng impormasyon at pamamahala ng krisis.
Samantala, dinaluhan naman ang tatlong araw na capacity-building activity ng dalawang makakaibang hanay na kalahok. Tinatayang nasa 30 kalahok na binubuo ng mga Program Coordinators para sa Facebook, na mga kinatawan mula sa iba't ibang dibisyon at programa, kawani ng RAFIS, at mga kawani ng Agriculture and Fisheries Information Division (AFID) ng Central Office ang nakiisa sa Seminar-Workshop on Social Media Ethics habang dinaluhan ng 40 kalahok na binubuo ng mga miyembro ng management committee, RAFIS staff, at AFID Staff ang Seminar-Workshop on Crisis Communication.
Bilang pagkilala sa aktibong partisipasyon ng mga kalahok, binigyan sila ng mga sertipiko, habang si Prof. Leaño ay nakatanggap din ng sertipiko ng pagpapahalaga at token mula sa kagawaran.