OCCIDENTAL MINDORO, ika-31 ng Marso, 2022 – Nagdaos ang Department of Agriculture – Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD) Program ng Technical Training on Organizational Management na naglalayong itaas ang kakayahan at kaalaman ng 15 samahan ng mga katutubong magsasaka sa pagiging agripreneurs.
Katuwang ang DA - Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) at ang Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) sa nasabing pagsasanay na dinaluhan ng 75 katutubong Hanunuo, Buhid, at Ratagnon-Mangyan mula sa mga bayan ng Rizal, Magsaysay, at San Jose.
Tatlong set ng dalawang araw na pagsasanay ang ginanap upang masusing matalakay ang agripreneurship at mga paraan sa pagpapatatag ng isang samahan. Bawat asosasyon ay may kinatawang limang opisyal na dumalo sa pagsasanay.
Rizal
Itinuro sa 25 na katutubong magsasaka mula sa Pangkalikasang Samahan ng Buhid sa Bato Singit (PSBBS), Samahan ng Katutubong Buhid sa Sitio Panlabayan 1 (SKBSP 1) Kalipunan ng Tribung Buhid Lanaban, Kasuyan, at Langog (KTBLKL), Mamamayang Kabalikat sa Pangangalaga ng Kagubatan (MaKaPaKa), and Samahan ng Katutubong Buhid sa Sitio Albunan 1 (SKBSA 1) ang value chain development as basis for analysis sa pangunguna ni Bb. Faith Paulmanal, Admin Assistat mula sa F2C2.
Ipinaliwanag ng value chain development sa mga magsasaka ang mga paraan sa mahusay na gawain sa pagsasaka na maaaring maktulong upang mapanatili ang kalidad ng kanilang produkto. Magbibigay din ito ng mas maraming oportunidad sa mga magsasaka na matiyak ang kanilang kita.
Gamit ang SWOT (strengths, weaknesses, opportunities, threats) analysis, inalam ang sitwasyon ng mga asosasyon sa kasalukuyan. Natukoy ang pagkakaisa at pagiging masigasig ng mga magsasaka bilang kanilang kalakasan habang ang hindi pagkakaroon ng sapat na mapagkukunan ng abono at iba pang gamit pangsakahan ay ilan sa mga nagpapahina sa mga samahan.
Natukoy rin sa SWOT analysis na isa pang kahinaan ng grupo ang hindi pagkakaroon ng maayos na daanan at layo ng kanilang lugar mula sa pamilihan na nagdudulot ng pagkasira ng kanilang produkto. Samantala, ang pananalasa ng bagyo at peste ang nailistang mga panganib na kailangang paghandaan ng mga magsasaka.
Nakita bilang solusyon ang pagkakaroon ng Bagsakan center malapit sa kanilang lugar upang mabawasan ang pagkasira ng mga produkto gaya ng palay, balinghoy, saging, at luya dahil sa malayong byahe.
Magsaysay
Pinangunahan ni G. Rustom Gonzaga, Marketing Specialist ng DA-AMAS ang pangalawang set ng pagsasanay para sa 26 katutubong magsasaka mula sa Magsaysay na nakatuon sa pagtatanim ng balinhoy, palay-kaingin, at mais.
Napag-alaman sa pagsasanay na may mga magsasakang huminto sa pagbebenta ng balinghoy dahil nahihirapan ang mga katutubong kumita mula rito dahil sa mababang presyo ng balinghoy at kawalan ng koneksyon sa mga mamimili.
Kaugnay nito, humingi ng suporta ang mga magsasaka upang matulungan silang magkaroon ng direktang koneksyon sa San Miguel Corporation - isang kilalang namimili ng balinghoy - at magkaroon ng buying station sa probinsya upang mabawasan ang kanilang gastos sa pamasahe ng kanilang produkto at hindi na mangailangan pa ng ahente o middleman.
Hinikayat ni G. Gonzaga ang mga samahan na patuloy na iangat ang kalidad at dami ng kanilang inaaning balinghoy dahil magbibigay ito ng mas maraming oportunidad na makapagbenta sa mas malawak na pamilihan.
Nakipag-ugnayan na si G. Vilmar Robes, SAAD Area Coordinator sa San Miguel Corp. upang maikonekta ang mga katutubong nagbabalihoy sa mamimili. Nagbibigay rin ang MAO ng mga alternatibong mapapagbentahan ng mga produkto ang mga magsasaka upang masigurado ang kanilang kita.
San Jose
Nagbalik-tanaw sa mga layunin ng SAAD ang limang (5) katutubong samahan mula bayan ng San Jose na nagtatanim ng palay kaingin, balinghoy, at nagbibigay ng serbisyo sa sakahan.
Nalaman sa pagsusuri na may mga pagkakataon kung saan may mga produkto gaya ng saging at balinghoy na hindi naibebenta ng mga katutubo dahil wala silang sapat na kaalaman sa pagtatakda ng tamang presyo para sa kanilang produkto. Bilang tugon, itinuro ni G. Gonzaga sa mga katutubo ang paraan ng tamang pagtakda ng presyo upang masiguro ang kanilang kikitain.
Naenganyo ang mga katutubo sa ipinakilalang mga estratehiya sa pagbebenta o marketing strategies, partikular na sa pagkakaroon ng pangalan o branding ng kanilang produkto. “Natutunan ko na dapat pinagpaplanuhan pala ang pagnenegosyo. Kagaya ng tinuro ni Sir [Gonzaga], hindi lang kami magsasaka, pero negosyante rin. Maganda pala kapag may pangalan ang aming produkto dahil nakakadagdag ng halaga ng produkto,” bahagi ni Daboy Bercacio, Kalihim ng Samahang Buhid at Hanunuo Mangyan ng Brgy. Naibuan.
Pagiging mga Katutubong Agriprenyur
Ibinahagi ni Rod Dagay Lopez, Kalihim ng Sitio Dulis Abong Salafay Hubkob Farmers Association (S. DASH FA) na lumawak ang kanyang kaalaman sa pagnenegosyo dahil sa pagsasanay.
“Unang beses ko lang makadalo sa ganitong klaseng pagsasanay. Medyo kinakabahan pa ako. Pero marami akong natutunan tungkol sa pagnenegosyo na hindi ko alam noon. Gusto kong gawin ‘yong mga natutunan ko para umunlad ang aming samahan.”
Inimbitahan ni G. Gonzaga ang mga dumalo na ibahagi ang kanilang mga natutunan sa ibang mga miyembro ng samahan at hinikayat silang gamitin ang kaalaman bilang isang nagkakaisang grupo.
Patuloy na nagbibigay ng suporta ang bawat MAO katuwang ang mga SAAD Area Coordinator sa mga magsasaka sa mula sa pagtatanim hanggang sa pagbebenta ng kanilang tanim.
Bahagi ng programa ng SAAD ang pagdadaos ng mga pagsasanay upang masiguro ang kahandaan ng mga benepisyaryo sa pagtanggap at pamamahala sa mga proyektong ipinagkaloob sa kanila.
{gallery}news-and-events/2022/2022-03-31{/gallery}
Sources: Vilmar J. Robes, SAAD Area Coordinator – Magsaysay, Mario S. Paz Jr., SAAD Area Coordinator – Rizal, Jercel N. Catubig, SAAD Area Coordinator – San Jose, Relan S. Sabac, SAAD Area Coordinator – Calintaan, Rod Dagay Lopez, Kalihim - Sitio Dulis Abong Salafay Hubkob Farmers Association, Daboy Bercacio, Kalihim - Samahang Buhid at Hanunuo Mangyan ng Brgy. Naibuan, and Faith Paulmanal, Admin Assistant II - DA Farm and Fisheries Clustering and Consolidation.