News and Events

Pagdiriwang ng 125th Anibersaryo ng Kagawaran ng Agrikultura, matagumpay na  naidaos sa Marinduque
Tree planting activity ng mga kawani ng kagawaran sa probinsya ng Marinduque sa pangunguna ni APCO Dr. Lucila J. Vasquez (unang hanay, pangalawa mula sa kaliwa) kasama ang mga tagapangulo at miyembro ng iba’t ibang asosasyon at mga estudyante ng Torrijos Senior High School.

Pagdiriwang ng 125th Anibersaryo ng Kagawaran ng Agrikultura, matagumpay na naidaos sa Marinduque

Nagsagawa ng iba’t ibang gawain ang Department of Agriculture - MIMAROPA Region sa pangunguna ng Agricultural Program Coordinating Office ng Marinduque sa Brgy. Tigwi, bayan ng Torrijos, noong ika-22 ng Hunyo, taong kasalukuyan.

Ito ay isinagawa sa pakikiisa sa ika-125th anibersaryo ng kagawaran na may temang “125 taong naglilingkod Tungo sa Masaganang Agrikultura at Maunlad na Ekonomiya”.

Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng pagtatanim ng kakaw at niyog sa pangunguna ni Dr. Lucila J. Vasquez , APCO ng probinsya, kasama ang mga kawani ng iba't ibang pangunahing programa ng rehiyon na nakatalaga sa probinsya, mga opisyal ng nasabing barangay, at mga pangulo at miyembro ng mga samahan ng magsasaka sa bayan ng Torrijos.

Ayon kay Provincial Agriculturist Edilberto M. De Luna, ang pamahalaang lokal ay nakikiisa sa pagdiriwang ng kagawaran at sa layunin ng gobyerno, sa pamumuno ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na siguruhing may sapat na pagkain sa Pilipinas.

Ipinaliwanag naman ni APCO Vasquez ang iba’t ibang programang ipinatutupad ng rehiyon para sa mga magsasaka sa lalawigan at ang mga nakahandang gawain para sa maghapong selebrasyon kasama ang mga magsasaka.

Samantala, pinasalamatan naman ni Association of Barangay Captains (ABC) President Gregorio P. Palatino ang kagawaran. Ayon sa kanya, malaking karangalan na ganapin sa kanilang barangay ang selebrasyon ng anibersaryo ng kagawaran at isang ring kasiyahan para sa kanila na masaksihan at makiisa sa iba't ibang aktibidad.

Ipinamahagi rin ang isang unit ng 4Wheel Drive Tractor sa Samahan ng Magsasaka ng Matuyatuya na nagkakahalaga ng Php 1,495,000.00 mula sa High Value Crops Development Program.

Nagpasalamat si Bernardo P. Cosejo, pangulo ng nasabing samahan. Ayon sa kanya, iingatan ng samahan ang ibinigay na traktora mula sa kagawaran upang tumagal at mapakinabangan ng bawat magsasaka sa bayan ng Torrijos.

Sa pangunguna naman ni DA MIMAROPA Senior Science Research Specialist Genesis Castro, iginawad sa 18 na mag-aaral ng Torrijos Senior High School ang sertipiko ng pagtatapos na nagsagawa ng work immersion sa demo site kung saan isinagawa ang onion demonstration para Tigwi Farmers Irrigators Association.

Kabilang rin sa mga masasayang aktibidad para selebrasyon ang mga palarong pinoy katulad ng:  bunong braso, sack race at kainan ng saging.  Nagkaroon rin ng raffle ng iba't ibang kagamitan sa pagtatanim, at pitong (7) sako ng urea na nagkakahalaga ng Php 3,000.00 bawat isa na mula sa Office of the Municipal Agriculturist ng Torrijos.

Nagsagawa rin ng Cooking Demonstration ng Corn at Cassava sa pangunguna ni Provincial Focal Person for Corn and Cassava Anita Landoy mula sa Office of the Provincial Agriculturist. Sa pamamagitan nito ay natutunan ng magsasaka ang paraan ng paggawa ng cassava grates at pagluluto ng cassava cake, pitchi-pitchi at polvoron.

Ayon kay Maria Joana Mistrado, isa sa mga kalahok sa cooking demo, ang mga kaalamang kanilang natutunan sa cooking demonstration ay makakatulong sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagnenegosyo ng mga produktong natutunan sa cooking demo.

Samantala, kasama rin sa maghapong aktibidad sina OIC- Municipal Agriculturist Janet O. Grimaldo at Adelina S.  Adanan ng Torrijos Senior High School.

Nagpasalamat si APCO Vasquez sa lahat ng mga tumulong upang matagumpay na maisagawa ang selebrasyon.  Aniya, nakita sa selebrasyon ang masayang pakikiisa at pagbubuklod ng mga kawani ng gobyerno, pamahalaang lokal, at  samahan ng magsasaka, at ang sayang dulot nito sa lahat dahil sa mga aktibidad, aktwal na pakitang gawa, agricultural interventions na ibinigay, at raffle na isigawa para selebrasyon.

Image

Republic of the Philippines

All content is in the public domain unless otherwise stated.

About GOVPH

Learn more about the Philippine government, its structure, how government works and the people behind it.