PALUAN, OCCIDENTAL MINDORO, June 16, 2021 - Nakapundar ng sariling welding machine ang Paluenos Chicken Laying Farmers Association (PaCLayFA) na kanilang gagamitin para sa paggawa ng karagdagang kulungan ng manok at pagpapalawak ng kanilang Ready to Lay (RTL) housing.
Ito ay bilang paghahanda para sa pagdating ng pangalawang set ng 288 pirasong RTL chicken na ibibigay sa kanila ng Department of Agriculture - Special Area for Agricultural Development (DA-SAAD).
Ayon kay Lilibeth Gonzales, chairperson ng PaCLayFA, mas makakatipid ang asosasyon sa paggawa ng mga kulungan kung mayroon silang sariling welding machine. Plano rin ng samahan na paupahan ang welding machine para magkaroon ng karagdagang kita ang grupo.
Nakabenta ng Php 42,254.00 mula sa 6,730 pirasong itlog ng RTL chicken ang PaCLayFA nitong Mayo.
Ang PaCLayFA ay nakakapagprodyus ng 6,000-7,000 pirasong itlog kada buwan simula noong natanggap ng samahan ang unang set ng 288 piraso ng RTL chicken mula sa SAAD noong Oktubre, 2020. Ibinibenta ang mga itlog sa lokal na pamilihan ng Paluan.
Kasalukuyang nagtutulong-tulong ang mga miyembro ng PaCLayFA sa paggawa ng mga kulungan ng paparating na mga manok at pagpapalawak ng RTL housing. Inaasahang lalaki pa ang kikitain ng samahan sa hinaharap na makatutulong sa mga miyembro sa kanilang gastusin sa bukid.