Kasabay ng pamamahagi ng mahigit sa P241 milyong interbensiyon para sa mga magsasaka at mangingisda, nilagdaan na ang Memorandum of Agreement para sa Province-led Agriculture and Fisheries Extension Systems para sa probinsiya ng Palawan nitong ika-18 ng Enero, ginanap sa bayan ng Narra.
Kasama ng Department of Agriculture-MIMAROPA Region (DA-MIMAROPA) sa pagpirma ang iba’t ibang sektor na may mahalagang gampanin sa pagpapaunlad ng agrikultura at pangisdaan katulad ng Provincial Local Government of Palawan; League of Municipalities at League of Municipal and City Agriculturist ng probinsiya; Western Philippine University para sa sektor ng akademiya; Provincial Agriculture and Fisheries Council, Provincial Farmers Federation, Provincial RIC Federation, Provincial 4H Federation; bilang kinatawan ng pribadong sektor, kasama ang Farm Resource Management Towards Enabling Towards Agricultural Community and Homes, Inc o FarmTEACH. Kasama din sa paglalagda ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno katulad National Irrigation Administration, National Food Authority, Department of Science and Technology, Department of Interior Local Government, National Commission on Indigenous People, at Regional Agriculture and Fishery Extension Network na pinangungunahan ng Agricultural Training Institute.
Ang PAFES ay isa sa mga istratehiya ng Kagawaran ng Pagsasaka upang palakasin ang kolaborasyon ng lokal na pamahalaan, nasyonal na pamahalaan, pribadong sektor, mga rural based organization o samahan ng mga magsasaka at mangingisda, at akademiya upang masiguro na naaayon at naangkop ang mga programa at proyekto para sa pagpapaunlad ng agrikultura at pangisdaan. Ito ay pinagtitibay bilang paghahanda rin sa pag-implementa ng desentralisasyon ng mga gampanin ng nasyonal na pamahalaan patungo sa lokal na pamahalaan sa ilalim ng batas na Mandanas-Garcia Ruling.
“The Mandanas Law is granting the local governments additional fund probably this 2022. Therefore, we are expecting na madagdagan ang share ng LGU in terms of agricultural development…kaya yun ang sinasabi namin na magkaroon tayo ng joint planning…ngayon panahon na dapat ipaintindi sa ating mga local chief executives ang kahalagahan ng extension services,” pagpapaliwanag ni DA-MIMAROPA Regional Executive Director Antonio Gerundio sa kanyang mensahe.
Samantala, kasabay ng paglalagda ng MOA ang pamamahagi ng tulong pinansiyal, mga pananim, mga makinaryang pangsaka, at gamit pampangisda. Ang gawain ay siyang naging hudyat ng pagsisimula muli ng pamamahagi ng P5,000 tulong pinansiyal sa bawat maliliit na mga magsasaka sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance Program (RCEF-RFFA). Ang programa ay may nakalaang pondo na nagkakahalagang P101.370 milyon para sa 20,274 magsasasaka ng probinsiya. Ang mga magsasakang ito ay mga nagpapalay na may hindi hihigit pa sa dalawang ektarya ang lupang taniman at rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture.
“Napakalaking bagay po nitong tulong na naibigay sakin (ng RCEF-RFFA) biang magsasaka. Lalo pa at dinaanan kami ng bagyo, yo’ng aking konting basakan (palayan) ay nasalanta. Makakatulong po ito para sa paghango muli ng aking pananim,” pagbabahagi ni Loreto Jabala, Jr. isa sa mga magsasakang nakatanggap ng P5,000 mula sa bayan ng Taytay, Palawan.
Sa ilalim din ng RCEF, namahagi naman ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) ng 92 unit ng makinaryang pangsaka sa 39 na samahan ng mga magsasaka na umabot ang kabuang halaga sa P94.59 milyon. Ang mga makinarya ay kinabibilangan ng mga heavy-duty four-wheel tractor, combine harvester, at thresher.
Bilang tugon naman sa mga pangangailangan ng nasalanta ng nakaraang bagyo, binahagi ng DA-MIMAROPA ang 205 na sako ng binhi ng mais; 9,500 certified rice seeds; 1,00 kilo binhi ng gulay na pananim; 31,000 cashew seedlings; 20,000 na banana plantlet; 1,700 na planting materials; at 102 cavan ng bigas na pamamahalaan ng lokal na probinsiya ng Palawan. Binahagi naman sa tatlong (3) conduit ng Agricultural Credit Policy Council ang P25 milyon na maaaring utangin ng mga magsasaka at mangingisdang nasalanta ng bagyo. Kasabay din nito ang pamamahagi ng Philippine Crop Insurance Corporation ng kanilang crop indemnification na aabot sa P1.37 milyon. Dagdag pa rito ang pamamahagi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ng 50 unit marine engine diesel at 64 unit fiberglass reinforce boat with engine and complete accessories at may kasama pang 100 kahon ng sardinas, 100 kahon noodles, at 100 na 25kilo ng bigas para sa mga mangingisda, umabot naman ito ng P9 milyon.
Ang aktibidad ay sinaksihan ng ilang alkalde ng probinsiya na sina Hon. Gerandy Danao ng Narra, Hon. Celsa Adier ng Aborlan, Hon. Geojarlyn Joy Quiachon ng Brooke’s Point, at Hon. Arnel Caabay ng Dumaran. Kasama din nila si Cong. Cyrille Abueg-Zaldivar ng ikalawang distrito ng probinsiya at ang Provincial Administrator na si Atty. Joshua Bolliza.