Umabot sa P85 milyong piso ang kabuuang halaga ng mga ayudang abono na pinamahagi sa may 19,026 magsasaka sa Oriental Mindoro mula Setyembre hanggang Oktubre sa ilalim ng High-Yielding Technology Adoption (HYTA) Program na pinangangasiwaan ng Rice Program ng Kagawaran ng Pagsasaka - MiMaRoPa.
Depende sa lawak ng sakahan, nakatanggap ng P3,000 hanggang P9,000 na halaga ng fertilizer voucher ang mga magsasakang nabigyan ng hybrid seeds habang P2,000 hanggang P6,000 naman para sa mga nakatanggap ng inbred seeds sa ilalim ng HYTA Program na pawang rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
Dalawampu’t limang libong (25,000) ektarya ng mga sakahan na may hybrid rice at 5,000 ektarya na may tanim na inbred rice ang mapaggagamitan ng mga nasabing abono. Ang mga pinamahaging voucher ay dinala ng mga magsasaka sa mga accredited na tindahan sa kani-kanilang bayan kung saan nila maaaring kunin ang mga abonong katumbas ng halagang nasa voucher.
Ilan sa mga magsasakang Bansudeño na nakatanggap ng voucher para sa ayudang abono.
“Itong suportang abono mula sa DA ay malaking tulong sa aming mga magsasaka. Ito po ang aming hinahanap kaya salamat po at ako ay isa sa na nabiyayaan nito. Marami pong salamat,” mensahe ni Isidro Evangelista, magsasaka mula sa bayan ng Bansud.
“Nagpapasalamat po ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Bansud, Oriental Mindoro sa pagkakaloob sa amin ng mahigit P4 milyong halaga ng fertilizer para sa aming mga magsasaka. Napakalaking tulong po nito para sa ating mga magsasaka. Ang pasasalamat po ng local government ng Bansud ay pinapaabot namin sa Kagawaran ng Pagsasaka sa Rehiyong MiMaRoPa at kami ay hindi nahuhuli sa lahat ng interventions na ibinibigay,” dagdag na mensahe ng pasasalamat ni Municipal Agriculturist Sonny Boy Mañato ng bayan ng Bansud na unang nakatanggap ng fertilizer vouchers.
Bagama’t nakaani na ang maraming magsasaka sa lalawigan nang ipamahagi ang naturang mga voucher, tamang – tama naman anila ang mga abono para magamit sa pagtatanim ngayong wet season. Mahigpit ang tagubilin sa mga magsasaka na tanging mga abono lamang ang maaari nilang kunin sa mga tindahan kapalit ng natanggap na voucher at ipinagbabawal ang pagpapalit nito sa pera o iba pang bagay. Kasunod ng pamamahagi ng mga voucher, umuusad naman sa kasalukuyan ang distribusyon ng mga libreng binhi ng palay sa pangangasiwa pa rin ng Rice Program katuwang ang Municipal Agriculture Office ng bawat bayan.