Umaabot sa P82 milyon (P10 milyon para sa inbred; P72 milyon para sa hybrid) ang kabuuang halaga ng 18,539 na mga fertilizer discount voucher na pinamamahagi sa mga magsasakang benepisyaryo sa Oriental Mindoro.
Ang naturang aktibidad ay naisakatuparan sa pamamagita ng High-Yielding Technology Adoption (HYTA) Program ng Department of Agriculture MIMAROPA (DA-MIMAROPA) na naglalayong matulungan ang mga magsasaka na mabawasan ang gastusin sa abono sa kanilang mga palayan.
Samantala sa bayan ng Bongabong, Oriental Mindoro, pinangunahan ni DA MiMaRoPa Regional Executive Director Antonio G. Gerundio kasama ang mga kawani ng Rice Program sa pangunguna ni Regional Focal Person Ma. Theresa Aguilar ang pamamahagi ng mga fertilizer voucher. Ito ay para sa paghahanda sa wet season na pagtatanim ng mga magsasaka ng palay.
Dumalo rin sa programa sina Regional Technical Director for Operations Elmer T. Ferry, Rice Program Oriental Mindoro Provincial Coordinator Maria Teresa Carido, APCO Coleta Quindong, mga lokal na opisyales ng bayan sa pangunguna nina Mayor Elgin Malaluan at Vice – Mayor Totoy Candelario, at mga kawani ng Municipal Agriculture Office sa pamumuno ni MAO Gary Sapinit.
Maliban sa mga fertilizer vouchers, namigay rin sa mga magsasaka ng mga pananim na fruit trees mula pa rin sa ahensiya at complete fertilizer mula naman sa Pamahalaang Bayan ng Bongabong kasunod ang konsultasyon hinggil sa programa ng rice contract growing sa mga samahan ng mga magsasaka ng palay dito.
“Itong mga subsidy na ganito ay minamadali ng ating Pres. Rodrigo Duterte na maipamigay at ang ating mahal na Sec. William Dar ay nagbigay rin ng direktiba na madaliin ang pamimigay ng financial assistance at subsidy kasi nagtatanim na ang ating mga magsasaka, kailangan nila ito lalo na ngayong mahal ang abono,” mensahe ni RED Gerundio.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Mayor Malaluan sa kagawaran sa patuloy na pagbibigay ng ayuda sa mga magsasaka sa kanilang bayan.
“Nagpapasalamat ako sa DA dahil nakatulong sila sa aming pagbili ng abono lalo na ngayong mahal ang abono. Pandagdag po ito, maraming salamat,” ani Reynaldo Malhacan ng Brgy. Labonan, Bongabong.
“Ako po ay nagpapasalamat dahil isang malaking tulong sa aming mga magsasaka ang ginawang ito ng DA. Aabot pa po ito sa aming huling pag-aabono,” dagdag na mensahe ng pasasalamat ni Samson Galpo ng Brgy. Anilao, Bongabong.
Makukuha ng mga magsasaka ang mga ayudang abono sa mga accredited na tindahan ng agricultural supplies o kooperatiba. Kinakailangan lamang nilang dalhin ang fertilizer voucher at ID ng kukuha ng abono.