Upang patuloy na matulungan ang mga magsasaka at mangingisda sa pagpapataas ng produksyon ng pagkain sa bansa, opisyal na naigawad ng Kagawaran ng Pagsasaka – MIMAROPA sa pamamagitan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ang Php 2M financial grant sa kooperatiba at asosasyon sa probinsya ng Marinduque.
Pinangunahan ni DA MIMAROPA Regional Executive Director Atty. Christopher R. Bañas at Governor Presbitero Velasco ang pag-abot ng mock cheque sa mga benepisyaryo noong ika-21 ng Pebrero sa ika-104 na anibersaryo ng pagkakatatag ng probinsya.
Ang grant ay sa ilalim ng Enhanced KADIWA Financial Grant Assistance Program na isa sa mga interbensyon ng AMAD. Naglalayon itong matulungan ang mga organisasyon ng magsasaka at mangingisda na mapataas at mapagyaman ang kanilang kapasidad na tustusan ng sapat na pagkain ang mga konsyumer at patuloy na mag-supply sa mga KADIWA retail stores.
Nakatanggap ng Php1M financial grant ang Kapatirang Marinduqueño Mogpog Fishery Agriculture Cooperative (KMMFAC) mula sa Brgy. Marketsite ng Mogpog na gagamitin nila sa pagbili at pagbebenta baboy.
Ayon kay G. Rode J. Ornedo, KMMFAC Operational Manager ng KADIWA Project, napakalaking tulong ng grant sa kanilang pagbangon muli dahil higit sa kalahating milyon ang nalugi sa kanila dahil 89 heads ng baboy ang inilibing dahil sa African Swine Fever (ASF) na tumama sa kanilang probinsya.
“Kami po ay lubos na nagpapasalamat sa kagawaran dahil kami po ay makakapagsimula nang muli. Biniyayaan at pinagkatiwalaan kami na magkaroon ng puhunan para sa KADIWA at para matulungan rin namin ang aming mga miyembro at mga taong nasa laylayan ng lipunan na hindi abot makabili ng mas murang bilihin dahil maski dito sa probinsya ay napakamahal na rin ng mga bilihin,” sabi ni G. Ornedo.
Samantala, gagamitin naman ng Bahi Agricultural and Fisheries Association (BAFA) mula sa Brgy. Bahi ng Gasan ang Php 1M financial grant bilang trading fund para kanilang arrowroot processing.
Nagpasalamat si G. Wilfredo M. Nazareno, Chairman ng BAFA, sa kagawaran at sa programang KADIWA dahil sa tulong na kanilang natanggap. Ayon sa kanya malaking tulong ito dahil madali na nilang mababayaran ang mga magsasakang nagdadala sa kanila ng mga aning uraro.
“Dati kinakapos kami sa pambayad dahil pinapaikot lang namin ang pera kaya hindi namin agad-agad nababayaran ang mga magsasaka. Ngayon, magiging pera na agad ang kanilang produkto,” saad ni G. Nazareno
Dumalo rin sa nasabing aktibidad sina Senator Christopher Lawrence “Bong” Go, Cong. Lord Allan Velasco, Vice Governor Adelyn Angeles, Philippine Coconut Authority Regional Manager Bibiano Concibido, Jr., DA Regional Technical Director for Operations Dr. Celso Olido, Regional Technical Director for Research and Regulations Vener Dilig, Agricultural Program Coordinating Officer Dr. Lucila Vasquez, Provincial Agriculturist Ed de Luna at Asst. Provincial Agriculturist Susan Uy, iba pang mga opisiyal ng lalawigan at mga regional agencies.