Hindi na lamang pangingisda ang maaaring pagkakitaan ngayon ng mga kasapi ng St. John The Baptist Fisherfolks Association (SJBFS) sa Barangay Puting Cacao, Pola, Oriental Mindoro kungdi maging pagmamanukan matapos silang makatanggap ng Poultry Multiplier Breeder Farm Project na nagkakahalaga ng P2,000,000 mula sa Livestock Program ng Department of Agriculture MIMAROPA.
Ipinanukala ng samahan na binubuo ng 34 na miyembro ang proyekto na inendorso naman ng Municipal Agriculture Office ng Pola. Matapos pumasa sa mga panuntunan ng Livestock Economic Enterprise Development Program, ibinaba ang pondo sa lokal na pamahalaan na sila namang namahala sa procurement at bidding ng mga kakailanganin sa proyekto. Kinapapalooban ito ng konstruksiyon ng kulungan ng mga manok na nagkakahalaga ng P1.2 milyon, 600 manok na dumalaga at tandang, mga suplay at kagamitan para sa pag-aalaga at pagpapalaki ng mga ito kasama na ang mga gamot at bitamina.
Layunin nito na tulungan ang mga kasapi ng SJBFS na tumaas ang kanilang kita kasabay ng pagpapataas ng produksiyon at suplay ng mga itlog at karne ng manok sa bayan ng Pola. Ayon kay Christine Joy Capuyan, Agriculturist II at Livestock Program Oriental Mindoro Provincial Coordinator, bahagi ng responsibilidad ng lokal na pamahalaan ng Pola na ipatupad ang payback scheme kung saan ang lahat ng mga hayop na mapoprodyus sa loob ng dalawang (2) taon ay ilalaan upang ipamahagi sa mga magsasaka sa ilalim ng livelihood program ng National Livestock Program. Maituturing rin na nakatupad na sa payback sheme ang SJBFS kapag ang katumbas na halaga ng interbensyon mula sa asosasyon kasama na ang kanilang mga naibigay na counterpart ay napantayan na ang halaga ng proyekto. Ilalaan rin ng samahan ang 30 porsyento ng kanilang unang repayment stocks sa LGU para sa sarili nitong dispersal project.
“Nagpapasalamat kami sa LGU ng Pola sa pamunuan ni Mayor Jennifer Cruz at sa staff at opisina ng MAO dahil sila talaga ang nag-asikaso para maisakatuparan itong project na ito at para mai-turnover ‘yong mga components ng project natin sa asosasyon. Kami ay umaasa na palalaguin nila at magiging malaking ambag ang proyektong ito para sa ikauunlad ng asosasyon,” saad ni Capuyan.
Tiniyak ni Municipal Agriculture Officer Russel B. Tan na gagabayan nila ang samahan at patuloy na tututukan ang proyekto hanggang sa paglago nito.
“As (a) multiplier breeder farm, kapag naabot na ang objective, magre-replicate ang project sa iba’t ibang families na magiging source of stocks, matututo ang mga officers kung paano magpatakbo ng project. Ang LGU ay patuloy na nakaagapay sa kanilang iba pang pangangailangan, nakasuporta kami sa teknikal na pangangailangan at kung may karagdagang pangangailangan ay aming isasama sa AIP at annual budget,” pahayag ni MAO Tan.
Nagpaabot rin siya ng pasasalamat sa kagawaran sa pagkakaloob ng proyekto dahil bukod sa dagdag na kita ng samahan at supply ng karne ng manok at itlog, naging daan rin ito sa pagkakaroon ng hanapbuhay ng ilang residente, bagay na sinegundahan ni Brgy. Capt. Peter Fiestada.
“Nagpapasalamat kami sa binigay na proyektong ito at ito ay isang malaking katulungan para sa amin at sa barangay ng Puting Cacao dahil ito ay isang karagdagang pagkakakitaan ng mga taga rito. Sila ay natutuwa dahil magkakaroon sila ng hanapbuhay,” ani Kapitan Fiestada.
Sa huli, lubos ang pasasalamat na ipinahayag ng mga kasapi ng SJBFS sa pangunguna ng kanilang pangulo na si Ricardo C. Mingi kasunod ang katiyakan na aalagaan at palalaguin nila ang proyektong pinagkaloob sa kanila ng kagawaran.
“Ako po ay nagpapasalamat, malaking tulong po itong naibigay sa amin ng DA Regional Office, nakapag-create po kami ng trabaho at sa bandang huli ay pagkakakitaan rin po namin ito. Pinapangako po namin na pagagandahin at pauunlarin ang aming kabuhayan na ibinigay sa amin dahil malaking tulong po ito na lahat ng miyembro ng samahan ay magkakaroon ng kita pagdating ng panahon na nangingitlog na ang mga manok at napagkakakitaan na sila,” mensahe ni SJBFS Pres. Mingi.