Matapos ideklara ang state of calamity sa Bulalacao, Oriental Mindoro dahil sa matinding tagtuyot, agarang binisita ng Department of Agriculture sa pangunguna nina Undersecretary for Special Concerns and Official Development Assistance-Foreign Aid/Grants Jerome Oliveros, Spokesperson and Assistant Secretary Arnel V. De Mesa, at DA – MIMAROPA Regional Technical Director for Operations Vener Dilig ang nasabing bayan upang personal na makita ang kalagayan ng mga taniman dito na lubhang naapektuhan ng naturang kalamidad at kumustahin ang mga magsasaka na apektado nito.
Nasaksihan nila dito ang epekto ng El Niño kung saan tuyot na ang mga taniman na dahilan ng pagkabitak-bitak ng mga lupa at pagkamatay ng mga pananim lalo na ng mga palay. Kasama nila sa naturang site visitation sina Oriental Mindoro Agricultural Production Coordinating Officer (APCO) Artemio Casareno, Municipal Administrator Gideon Abuel, DRMM Alternate Focal Person/Oriental Mindoro Rice Coordinator Engr. Maria Teresa Carido, Provincial Agriculturist Christine Pine at Municipal Agriculturist Rommel De Guzman.
Bago ang site visitation, nagsagawa ng isang consultation meeting kasama ang mga nasabing kawani ng DA, National Irrigation Administration MIMAROPA Regional Manager Engr. Ronilio Cervantes, MA Abuel, at mga kinatawan mula sa Philippine Crop Insurance Corporation at Agricultural Credit Policy Council at mga farmers associations mula sa Brgy. Nasucob, Cambunang, at Maujao.
Base sa ipinakitang damage and losses report ni DRRM Alternate Focal Person Engr. Carido as of February 22, 2024, tinatayang nasa 1,293 na magsasaka sa Oriental Mindoro na mula sa Bulalacao at Mansalay ang apektado ng kasalukuyang El Niño. Umabot na sa 1331.96 ektarya na lupain ang naapektuhan nito na may kabuuang halaga na Php 223,606,077.25.
Kaugnay dito, ipinarating ng mga magsasaka ng palay at sibuyas sa mga opisyales ng kagawaran ang lubhang epekto ng tagtuyot sa kanilang lugar at sa kanilang kabuhayan. Nagbigay din sila ng mga suhesyon na makakatulong upang magkaroon sila ng suplay ng mapagkukunan ng patubig sa kanilang mga sakahan gayundin ang mga maaaring alternatibong mapagkukunan ng kita.
Isa-isang sinagot ito ng mga nasabing opisyales na kung saan ipinabatid nila ang mga short at long term solutions ng mga ito upang tulungan ang mga magsasaka. Kabilang na dito ang pagpapadala ng mga water pumps, pagbibigay ng krudo, at pagpapahiram ng back hoe bilang pangbungkal sa patubig. Masayang ibinalita rin ng mga ito ang pagkakaloob ng Php 30M sa Bulalacao para sa proyektong Farm-to-Market roads.
Bukod dito, nagkaloob din ang DA - MIMAROPA ng Php 7M worth solar-powered irrigation system sa Nasucob Farmers’ Association at isang unit ng onion cold storage facility na nagkakahalaga ng mahigit Php 40M.