Sa pagsusumikap at pakikipagtulungan ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ng Department of Agriculture-MIMAROPA (DA-MIMAROPA), itataguyod na rin ang Online Kadiwa Marketing sa probinsiya ng Palawan sa pamamagitan ng Project Zacchaeus Marketing Cooperative (PZMC), isang social enterprise na may likha ng iba’t ibang e-commerce channel katulad ng Farm Konek, PZC Community Stores, at Go Palengke.
Ang Go Palengke online store ang isa sa mga nilikha nila na nakatulong sa Kadiwa Retail Store ng Puerto Princesa City (PPC) Agriculture Office sa pamamagitan ng paghahatid ng mas madali at mas ligtas na mga gulay, prutas, at iba pang sariwang pagkain para sa mga lokal na mamimili sa gitna nararanasang community quarantine dahil sa pandemya.
Ipinakita ito ng PPC Agriculture Office sa pagbisita ni Kalihim William Dar noong Enero 27 sa nasabing bayan. Nakita ng Kalihim ang malaking potensiyal ng mga kabataang lumikha nito at ang tulong nito sa pagpapalaki ng merkado ng mga magsasaka at mangingisda sa probinsiya ng Palawan.
Kaya naman nitong ika-27 Hulyo, tuluyan ng ginawang opisyal ang pakikipagkolaborasyon ng nasabing kooperatiba sa DA-MIMAROPA sa pamamagitan ng pagpirma ng Memorandum of Agreement. Pinangunahan ang paglalagda ni Regional Executive Director Antonio G. Gerundio ng DA-MIMAROPA at PZMC Chairman John Vincent Q. Gastanes.
Nilalaman ng Kasunduan
Layunin ng kasundaang ito na mapalawak ang implementasyon ng Kadiwa ni Ani at Kita Project at mapalakas ang kakayahan ng mga samahan at kooperatiba ng mga magsasaka at mangingisda sa pagpapangasiwa ng tuloy-tuloy na daloy ng ligtas at abot-kayang mga produktong agrikultural para sa mga lokal na mamimili at pamilihang bayan. Layunin din nito, sa malapit na hinaharap, na palawakin ang sakop ng online marketing platform ng PZMC sa buong rehiyon ng MIMAROPA.
Ayon sa kasunduan, ang PZMC ang siyang mangunguna sa pangangasiwa ng mga produkto o magiging lead consolidator ng mga ani ng mga magsasaka at magbubukas ng bagong daan sa merkado sa pamamagitan ng pagbuo ng mga estratihiya sa pagpapaunlad ng daloy ng mga produkto, pagpapakilala ng mga produkto ng mga magsasaka sa pamamagitan ng iba’t ibang digital marketing campaign sa iba’t ibang social networking channel, at pamamahala ng suplay ng mga produkto sa kanilang website.
Bukod rito, sila rin ay makikipagnegosasyon at maghahanap ng iba pang partner na may kakayahang mamili ng maramihan at may kakayahang makapagbigay ng maayos na presyo kung saan kikita mga magsasaka. Ang kanilang kikitain ay ibabahagi sa mga magsasakang miyembro ng kooperatiba at ipupuhunan sa mga pasilidad na mapapakinabangan ng mga magsasaka sa pagpapaulad ng kanilang produksiyon at kita.
“Strong involvement sa ground with our partner grassroot farmers and inclusive business model driven by technology. Also we have in house marketing and branding team who can lead and assist the region,”pagbabahagi ni Gastanes ng kanilang estratehiya sa likod ng kanilang matatagumpay na mga proyekto na tiyak na makakatulong din sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga magsasaka.
Samantala, sa ilalim ng Kadiwa ni Ani at Kita Program, ang DA-MIMAROPA ay magkakaloob ng mga suportang teknikal, mga kagamitan para sa pagtitinda, at mga naaangkop na tulong sa mga kwalipikadong samahan ng magsasaka at mangingisda para tulungan silang mapamahalaan ng wasto ang kanilang mga ani at produkto at maisaayos ang pamamaraan ng pagbebenta ng kanilang mga produktong pangsakahan at pangisdaan na kinakailangan para mapahusay and kanilang kaalaman sa marketing at mapataas ang kanilang kita.
“Ang Kagawaran ng Pagsasaka ay magbibigay ng suporta sa Project Zacchaeus sa pamamagitan ng mga teknikal na suporta at mga kagamitan mula sa sorting hanggang sa grading. Papairalin din natin ang auctioning system upang ang mga magsasaka ay makakuha ng pinakamagandang presyo sa bawat araw ng kalakalan sa merkado sapagkat ito ang nakakaganyak sa kanila upang makapagsuplay ng mas marami pang produkto para sa pamilihan,” pagbabahagi ni RED Gerundio sa kanilang pag-uusap ng PZMC.
Inaasahan na ang estratehiyang ito ay makakatulong na mapaunlad ang antas ng pamumuhay ng mga magsasaka at mangingisda sa probinsya ng Palawan at kasabay nito ay magdudulot din ng kaukulang pakinabang sa mga mamimili o konsyumer sa pamamagitan ng mga mabibiling sariwa, masustansya, at abot kayang presyo ng mga mga produktong agrikultura. ###Denice Joelle A. Benosa, RAFIS & Melinda B. Arzaga, PRES.